SA PAGLALAYONG mas maipakilala sa mga Tomasinong manunulat ang mga uri ng sining, isinagawa ang isang seryeng diskusyon kung saan tinalakay ang kahalagahan ng sequential art bilang isang epektibong midyum ng komunikasyon.
Naganap ang kauna-unahang “Sequential Art Project” noong ika-12 ng Enero sa audio visual room ng gusaling Beato Angelico, sa pangunguna ng Thomasians’ Writers Guild, samahan ng mga manunulat sa Unibersidad.
Ayon kay Jon Zamar, ang lumikha ng “Codename: Bathala,” ang komiks ay sumisimbulo sa malayang ekspresyon na hindi natatakot kumawala sa kumbensiyonal na pagguhit.
“Hindi nangangahulugan kung ano ang sikat at pinapaboran ay ayun na rin ang gagawin mo,” ani Zamar.
“Maging matapang din dapat ang loob ninyo na gumawa ng bago.”
Ang sequential art ay gumagamit ng mga dibuho at mga salita upang magkuwento. Ito ay kadalasang nakikitang nakalagay sa mga sunod-sunod na mga panel o mga frame at naglalayong makapagbigay ng mga direksyon o magbigay-aliw sa mga mambabasa.
Sinabi pa ni Zamar, isa rin sa mga organizer ng “Komikon,” ang artists ay nararapat na maging mapanuri at kritikal sa kaniyang mga nagiging impluwensiya upang maiwasang magaya o makuha ang mga pagkakamali at pagkukulang ng ibang artists.
“Mahirap na naglalagay tayo ng tao sa pedestal; baka kasi hindi natin na namamalayan na kinokopya natin ang work nila, maging ang mga pagkakamaling ginagawa nila,” aniya.
Ang Komikon at Philippine Komiks Convention ay taunang ginaganap para sa mga sumisibol na mga independent comic artists at para sa mga taong mahilig magbasa at mangolekta ng mga komiks.
Sinabi naman ni Josel Ray Nicolas, lumikha ng ilang independent comic books tulad ng seryeng “Windmills” at “Roleplay,” na liban sa techniques ay mahalaga ang paggawa ng kakaiba at maayos na pagdaloy ng kuwento sa isang komiks.
“As much as this is a figure work, it is also about the story of the comics. It is also a craft or medium of disseminating information on the page,” ani Nicolas. “Ang komiks ay laging may naglalayong makapagpahayag ng kuwento na dapat makaka-connect din ‘yung mga readers mo.”
Aniya, upang magtagumpay sa nasabing larangan, ang isang artist ay hindi dapat matakot sa magiging reaksyon ng kaniyang mambabasa sa mga kuwento at dibuhong kaniyang ginagawa.
“May kaisipan kasi na kailangang nakakatawa ang isang komiks,” aniya. “It only has to be what it needs to be for you to convey information to your readers.”
Samanatala, sumang-ayon naman si “Dark Chapel,” tumangging ibigay ang kaniyang tunay na pangalan, isang comic artist at isa ring Tomasino, sa sinabi ni Nicolas na ang isang artist ay hindi dapat pigilan at sayangin ang sarili na iguhit o isulat ang naiisip niyang mga ideya.
“Kung may gusto kayong gawin, gawin niyo. Hindi niyo dapat pigilan ang mga sarili niyo,” ani Dark Chapel. “Huwag niyong hayaang gayahin niyo na lang ang mga ideya at istilo ng iba pang comic artists.”
Naniniwala naman si Jose Maria Tristan Yuvienco, isang mag-aaral ng Visual Communication sa University of the Philippines, dapat handang matuto ang isang artist sa mga ginagawang pamamaraan ng mga dalubhasa sa larangan at gamitin ito sa paghubog sa nasabing sining.
“I try different styles. I applied in my drawings what I learned from other artists,” ani Yuvienco.
“A person should keep drawing. You never get good unless you practice. No one gets good overnight. Just have the motivation and never run out of inspiration,” dagdag pa niya.
Si Yuvienco ang gumawa ng isang digital art na pinamagatang “The Last Tree” na nagkamit ng unang gatimpala sa “Power Mac Center Green Canvas Digital Illustration Contest.”
Naninindigan din ang mga comic artists na walang katotohanang namamatay na ang Filipino komiks sa bansa lalo na at laganap pa rin ang mga ganito lalo na ang illustration outsourcing sa bansa.
Sinabi rin ni Nicolas na wala namang isyu ang paggaya ng mga artists sa mga estilo ng Animé. Sa halip, ang dapat pag-isipan ay ang paggawa ng mga kuwentong ang pangunahing lokasyon ay dito sa bansa o ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng usapan ng mga tauhan sa isang komiks.
Para naman kay Dark Chapel, ang paggamit ng Animé bilang isang istilo ay isang malayang kagustuhan. Aniya, ang dapat gawin ay suportahan ang paggawa ng mga komiks na sumasalamin sa kinahaharap sa kasalukuyan ng bansa.
“Individual taste rin kasi ang paggamit niyan. Ayan ang kinalakihan mong drawing at ayun ang gusto mong i-drawing. Dapat lang na suportahan natin ang sariling atin,” ani Dark Chapel.