SAKSI ang Unibersidad hindi lamang sa kasaysayan, kundi pati na rin sa mga kuwento ng mga magsing-irog na Tomasino.
Sa nagdaang mga buwan, napabalita ang iba’t ibang marriage proposals sa loob ng UST. Ngunit ‘di tulad ng mga nakagawiang pagtatapat kung saan luluhod ang isang lalaki sa isang babae at magyayaya ng kasal, ang mga proposal ngayo’y may kani-kaniya nang “gimik” makuha lamang ang matamis na “oo” ng iniibig.
Ayon kay Froilan Alipao, isang propesor ng Sociology sa Faculty of Arts and Letters, iba-iba ang porma ng marriage proposals—mayroong dumaraan pa sa tradisyunal na pamamanhikan at mayroon ding makabagong marriage proposal na ginagawa sa pampublikong mga lugar o kaya naman sa isang pagdiriwang.
“Anuman ang ekspresyon nito (marriage proposal), ito ay nagiging espesyal at nagiging kapana-panabik dahil sa ipinapakitang efforts at sinseridad ng isang lalaki sa isang babae,” ani Alipao.
Aniya, batid ng nakararami, lalo na ng mga kabataan, ang hirap ng buhay may-asawa, ngunit handa silang suungin ang anumang hirap makasama lamang ang kanilang minamahal.
Matamis na ‘oo’
Si Julie Magpoc-Mendoza, dating mag-aaral ng Faculty of Medicine and Surgery at ngayo'y isang resident doctor sa UST Hospital (USTH), ay nagkaroon ng ‘di malilimutang Pasko sa Unibersidad. Sa ilalim ng Christmas lights at nagniningning na Main Building noong Disyembre 23, 2011, nag-propose sa kaniya si Morris Mendoza sa pamamagitan ng isang flash mob kasama ang kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan.
“Before the proposal, Morris and I would always joke about his proposal,” ani Julie.
“I told him that I want a big surrpise, I want something worth re-telling the story to our kids and grandchildren,” dagdag pa niya.
Sinabi niya na noong binisita niya si Morris sa Australia, napanood nila ang isang flash mob proposal at sinabi ni Julie na gusto niya rin ng ganoon. Hindi niya inakala na tototohanin iyon ni Morris at gagawin pa sa Unibersidad kung saan sila unang nagkita.
“Whatever Morris does, kahit na as extravagant as a mob proposal, I knew that he would mean it from the bottom of his heart, and that is enough for me,” aniya. “Bonus na lang the way he delivered his proposal.”
Katulad ng naisip ng ilan, pinili ni Morris na gawin ang proposal sa Paskuhan, kung kailan maraming tao sa Unibersidad. Ngunit muntikan nang maudlot ang lahat ng plano nang pumanaw ang kaniyang ama.
“I almost cancelled it but after consulting with my family, they all told me that I should go on with my plan because my father knew all about it, and that even in his absence, he will be happy to know his youngest son finally proposed to the woman he loves,” ani Morris.
Ayon pa kay Morris, mahalaga ang marriage proposals dahil hindi lamang nagpapakita ang mga iyon ng intensiyon sa minamahal kundi pati na rin ang respeto sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
“I am a traditional guy, the type that would still kneel down and ask for a girl’s hand in marriage even if these days, society has forgotten that gesture,” aniya.
“Proposing to my wife was just my way of honoring her for being that special woman in my life,” dagdag pa ni Morris.
Si Julie at Morris ay nagpakasal noong nakaraang Enero. Tinatapos na lamang ni Julie ang kaniyang residency sa USTH at susundan ang asawa patungong Australia.
Samantala, si Jerald Benedict Equina, isang bagong graduate ng Architecture, ay nag-propose naman sa harap ng iba pang nagsipagtapos noong nakaraang Marso 28, 2012 kay Angela, isa ring mag-aaral ng Unibersidad.
“I proposed during my graduation because it was going to be our fifth anniversary the following day,” ani Equina.
“So me and the people involved in creating the proposal did it in secret. I asked our family and friends not to tell her, or even give her a hint what was going to happen,” kuwento niya.
Aniya, isinaalang-alang muna niya ang pagpapalam sa mga magulang ni Angela, nag-iisang anak sa pamilya, bago gawin ang marriage proposal.
“That's the reason we did a pre-proposal video of me asking permission from her parents, so that she will know what they think, and her decision is just to ask herself,” aniya.
Ayon kay Alipao, ginagawa ang marriage proposals sa mga di-malilimutang lugar sa pagsasama ng magsing-irog, tulad ng Unibersidad.