ALAS-SAIS.
Oras na para magpahinga; oras na para maglatag.
Simula nang mawalay ako kay Inay, ito ang oras na palagi kong inaabangan dahil ito ang nag-iisang pagkakataon kung kailan may pag-asa kaming magkasama… sa panaginip.
Ramdam ng likod ko ang mainit na singaw ng semento sa likod ng barangay hall. Pakiramdam ko’y katas ng basurang nakatambak sa malapit na basketball court ang pawis ko. Ang alinsangan, buti na lang mayroon akong pamaypay.
Sana may telebisyon ako para mapanood ko ang cartoons na nakaguhit sa dyip. Sana rin, may cellphone ako para ma-text ‘yung crush kong nakatira sa subdivision na kinakalapan ko ng bakal at bote.
Sana may kakuwentuhan ako, pero wala akong magawa. Pinili kong mag-isa kaysa sumama sa mga nagyayayang humanap ng mabibiktima.
Ang tanging kausap ko tuloy sa pagtulog ay ang iba’t ibang mukha ng kalye—nakabibinging busina ng mga trak, harurot ng mga motor, at gitgitan ng mga pampasaherong dyip.
Pero naiiba ang gabing ito; bukod sa mga sasakyan sa kalye, sumasabay din sa unti-unting pagpikit ng aking mga mata ang yabag ng mga tao patungong basketball court.
Akala ko ay may singing contest dahil sa hiyawan ng mga tao na para bang may sinusuportahang nagtatanghal.
Tumayo ako para sana manood, pero hindi naman pala singing contest. Sayang!
Mga nangangampanya pala ang bida; binubuod ni Mayor ang kaniyang mga karanasan, ang mga nagawa niya sa nakalipas na taon, at mga plano niyang gawin kung muling maluklok sa puwesto.
“Ang lahat ay mabibigyan ng trabaho! Ang lahat ay mabibigyan ng kabuhayan!”
Lalong lumakas ang sigawan. Pa’no ako makakatulog nito?
Sana mayroon akong walkman para tabunan ang ingay sa paligid. Kaso wala naman akong perang pambili, kapos pa ngang pangkain ang kinikita ko sa pagbobote.
Kanina, akala ko’y wala akong kikitain sa buong araw. Paano, may dalawang lasing na nag-rambol dahil pinagtatalunan nila kung sino ang dapat na ibotong alkalde. Ang mga boteng dapat sana’y maibebenta ko, ginawa nilang sandata laban sa isa’t isa. Basag! Basag pati kita!
Sa pagiging desperado’y naisip kong mapakikinabangan ang posters ni Mayor. Maliksi kong binaklas ang mga nakapaskil sa poste ng kuryente—may bago na akong trabaho!
Ibinenta ko sa junk shop, ‘di man umabot sa isang kilo, nabusog ng barya ang bulsa ko. Salamat kay Mayor!
“Ang bawat tao sa ating bayan ay may pagkaing maiihain sa kanilang mga lamesa, tatlong beses sa isang araw,” pangako ni Mayor.
Salamat sa bago kong trabaho, may pambili na ako ng tanghalian at kung titipirin ko ito, baka maitawid pati hapunan.
Iniisip ko, kung mas maraming posters ni Mayor ang mababaklas ko ay mas malaki ang kikitain ko. Mas malaking kita, mas malaking hita ng manok ang mabibili ko. Baka makapag-softdrinks pa ‘ko kung papalarin. Salamat kay Mayor!
“Libreng pabahay ang matatanggap ng mga walang tirahan sa ating bayan!” ani mayor.
Mula sa mga binaklas ko, nagtira ako ng ilang posters ni Mayor. Naisip ko kasing maaari kong pakinabangan sa gabi ang mga ito.
Matagal-tagal na rin akong nagtitiyaga sa iba’t ibang semento—magaspang, amoy araw, amoy paa, o amoy ko na ata ang nalalanghap ko? Lahat tila nagyeyelo sa gabi.
Ngayon, nabawasan ang lamig dahil sa kaunting init dulot ng sapin at kumot na posters. Salamat kay Mayor!
“Libreng edukasyon para sa mga kabataan ng ating bayan na hindi kayang pag-aralin ng kanilang mga magulang,” sambit pa ni Mayor.
Hindi ako matalinong bata, pero kaya kong mag-Ingles: Merry Christmas, Happy New Year, Happy Valentine’s Day, Happy Graduation, Happy Fiesta, Welcome Back to School! Congratulations!
Alam ko ang katumbas sa Filipino ng bawat pagbati. Siyempre kasi sa bawat buwan may bagong ipinapaskil si Mayor na binabasa at ipinapaliwanag sa ‘kin ni Mamang Taho.
Natututo ako buwan-buwan sa isang buong taon. Salamat kay Mayor!
“Bilang pasasalamat, handog ko ang appliances na ito sa mga masuwerteng mananalo. Ang unang premyo: ELECTRIC FAN!” sigaw ni Mayor, sabay hiyawan at palakpakan ng mga tao. Lalong umingay. Hindi na talaga ako makakatulog nito.
Kalaban sa gabi ang mga lamok, kahit saan mayroon. Masaya silang nagliliparan at pinagpipistahan ang balat ng mga mahihimbing na natutulog. Buti pa ang mga lamok, busog.
Ngayon, maitataboy ko na sila gamit ang bentilador ko.
“Kaya’t sa darating na eleksyon, hinihiling ko po ang inyong suporta upang muli ko kayong mapaglingkuran bilang Mayor ng ating bayan. Maraming salamat po.”
Sa wakas, tapos na. Tahimik na, mahihimbing na ‘ko. Matutuldukan ko na ang araw na ito.
Sabik na ‘ko bukas, bagong trabahong magbibigay ng laman sa sikmura ko at bagong sapin at kumot sa pagtulog. Hay, ginhawa.
“Bata! Gising. Bawal matulog dito!”
Nagising ako sa lakas ng tapik ni Manong Tanod at sa liwanag ng flashlight na nakatutok sa ‘kin.
Handa na ako. Handa na akong lisanin ang likod ng entablado. Bitbit ko na ang ilang piraso ng mga damit ko. Pero, tuluyan nang nasira ang higaan ko. Malamang dahil sa kanipisan at tubig na nasipsip sa semento.
Sira na ang manipis na poster na nagsilbing tulugan at hapag-kainan. Sira na ang manipis na poster na pinanggagalingan ng aking panglamang-tiyan. Sira na ang manipis na poster na naging daan para sa unang pagkakataon ay mabasa ko ang mga salitang I-bo-to-si-ma-yor.
‘Di bale na. Hahanap na lang ako ng bagong poster… Hahahanap na lang ako ng bagong magpupuno ng aking mga pangangailangan.