“INILALAKO” dapat ng mga manunulat ang kanilang mga akda hindi lamang sa mga palimbagan kung hindi pati na rin sa mga mambabasa.

Ito ang naging talakayan ng mga batikang manunulat at kritiko sa isinagawang Aklatan, ang kauna-unahang pagtitipon ng mga lokal na may-akda at iba’t ibang palimbagan, Setyembre 7 sa Alphaland Southgate Mall sa Makati.

Ang Aklatan ay pinangunahan ng Visprint Inc., isang lokal na palimbagan, katuwang ang National Book Development Board.

Ayon kay Isagani Cruz, isang kritiko at manunulat, mahalaga na ang manunulat mismo ang nagpapakilala ng kaniyang mga akda mula sa mga palimbagan hanggang sa mga dinadaluhan nilang mga panayam.

“Hindi totoo na katulad sa Amerika, puwedeng magpadala ng sulat na mayroon kang akdang nais mong ipalimbag,” ani Cruz.“Pilipino tayo. [Dito sa atin], lahat personalan, kaya dapat ngayon pa lang nagpapakilala na kayo sa mga publisher na may mga gawa kayong gustong ilapit sa kanila. At kapag may pinupuntahan kayong mga lecture, magdala kayo ng mga libro ninyo at doon ninyo subukang ilako.”

Ibinigay na halimbawa ni Cruz ang ginagawa ni J.K. Rowling, ang may-akda ng kilalang serye ng nobelang “Harry Potter,” na bago pa man mabili ang kaniyang mga libro sa mga tindahan, naipakilala na niya ang kaniyang mga nobela sa mga talakayan.

Para naman kay Pambansang Algad ng Sining Bienvenido Lumbera, isang makata at Tomasino, dapat gumamit ng visual aids at iba pang uri ng patnubay upang mahikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang panitikan.

“Gumagamit ako ng visual aids, kadalasan ay mga pelikula, na maiiugnay ko sa itinuturo kong akda sa araw na iyon,” ani Lumbera.“O hindi kaya ay isang pagtatanghal o dramatization na makatutulong sa mga bata na mas pag-ukalan pa ng pansin ang binabasa naming libro.”

READ
Harding botaniko ng Unibersidad

Sinabi naman ng makatang si Virgilio Almario, komisyoner ng Komisyon ng Wikang Filipino at isa ring Pambansang Alagad ng Sining, na kinakailangan maging matiyaga ang guro sa panitikan na ipaliwanag ang kahulugan ng isang akda sa kaniyang mga estudyante.

“Handa akong ipaliwanag ang aking mga itinuturo hanggang sa mapaos na ang aking boses,” ani Almario.“Lagi kong inilalagay sa isip ko na ituturo ko ang panitikan na kayang maintindihan ng sinuman.”

Marami mang magagaling na manunulat sa mundo, idiniin ni Cruz na responsibildad ng mga guro na ipakilala ang mga lokal na manunulat lalo na sa mga kabataan.

“Wala rin namang ibang magmamana sa sarili nating mga manunulat kung hindi tayo ring mga Pilipino,” ani Cruz.

Wala namang kaso para kay Almario ang pagbabagong-bihis ng literatura sa bansa na mula sa inilimbag na akda ay maaari na rin itong basahin online. Aniya, hindi dapat manatiling libro lamang ang panitikan kung sumusulong na rin ang teknolohiya.

“Kung tutuusin naman, ang panitikan ay una namang isang ‘oral literature’ at hindi isang libro,” ani Almario.“Pagkaraan lamang ng rebolusyon sa industriya nagkaroon ng printing machine kaya nagkaroon ng libro. Sa umuunlad na teknolohiya ngayon, nararapat lamang na sumunod at umayon din ang ating literatura rito.”

Tumanggap din ang ilang mga lumahok na palimbagan, tulad ng High Chair, isang palimbagan na naglalayong makapaglathala ng mga akdang gawa ng mga nagsisimula pa lamang na mga manunulat, ng mga manuskrito upang ilathala sa ginagawa nilang mga journal.

‘Unang Putok’

Inilunsad sa pagtitipon ang “Unang Putok: Antolohiya ng Eros Atalia Writing Workshop,” isang librong naglalaman ng mga nilikom na mga akda mula sa 15 baguhang manunulat na dumalo sa isang workshop na pinamahalaan ni Eros Atalia, propesor sa Faculty of Arts and Letters at isang kilalang manunulat. Ang libro ay muling ilulunsad sa Unibersidad sa darating na ika-28 ng Setyembre. Jonah Mary T. Mutuc

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.