UPANG ipaalala ang kahalagahan sa kasalukuyan ng kasaysayan ng Maynila, idinaos ang ika-22 Annual Conference of the Manila Studies Association (MSA) sa Thomas Aquinas Research Complex Auditorium, Agosto 27 hanggang 29.
Unang ginanap sa UST noong 1992, ang kumprensiya ay pinangungunahan ng MSA, isang non-profit professional organization na nagsusulong pagyamanin ang akademikong usapin ukol sa kasaysayan ng kabisera at ng bansa, kasama ang UST Department of History at ng Commission on Historical Research ng National Commission for Culture and the Arts.
Sa likod ng mga pelikula
Sa kaniyang saliksik na “American Influences on Philippine Cinema,” sinabi ng batikang direktor at manunulat na si Nick Deocampo na malaki ang bahaging ginampanan ng pinilakang tabing upang maisalaysay ang nakaraan ng bansa.
Iginiit niya na ang kasaysayang mayroon ang mga Filipino ay isang kasaysayan ng mga malilimutin.
“We have the [history] books, [but] nobody really wants to read books, right?” ani Deocampo.
Sinabi niya na mahalaga ang mga ginagawang pananaliksik ukol sa kasaysayan ng mga pelikula sapagkat ito na lamang ang ilan sa mga nagpapakita ng mga pinagdaanan ng bansa.
“Ang mga istruktura na maaaring magpaalala sa mga Filipino ng kanilang kasaysayan ay wala na,” aniya. “Ang tanging natitira na lamang ay ang mga larawan at mga pelikula.”
Tinalakay naman ni Ferdinand Lopez, isang propesor ng Literature sa UST, ang naging kontribusyon ng mga Filipinong nabibilang sa ikatlong kasarian sa pelikulang “Manila By Night” (1980) na hindi kalaunan ay naging “City After Dark” na idinerehe ni Ishmael Bernal, isang mahusay na direktor na gumawa ng mga pelikula tungkol sa isyu ng moralidad sa panahon ng diktaduryang Marcos.
Ayon kay Lopez, isinalarawan ang Maynila noong dekada ’70 sa pamamagitan ng iba’t ibang kasiyahan at aktibidad ng “bakla communities.”
“Ironically, these lifeways of gay men enlightened in the macro narrative of the New Society have been cinematically exposed in Manila By Night (City After Dark),” aniya.
Mahusay na ipinakita ni Bernal sa pelikula ang kinahaharap na mga problema ng bansa tulad ng prostitusyon, paggamit ng ilegal na droga, kawalan ng trabaho at disenteng matitirhan.
Pinalitan ang naunang pangalan ng pelikula dahil sinabi ng dating Unang Ginang Imelda Marcos na maling ipakita ang pangit na mukha ng siyudad.
Iba pang mukha ng Maynila
Ayon kay Lorelei De Viana, conference co-convener ng MSA, mahirap balikan ang kasaysayan ng bansa dahil sa pagbabagobago at paglilipat ng mga istruktura rito matapos ang panandaliang pananatili ng mga Briton noon sa bansa.
Sa kaniyang saliksik na “Replanning Post-British Occupied Manila,” sinabi niya na napagtanto ng military strategists na Kastila ang kahalagahan ng pagpaplano ng siyudad upang higit na masiguro ang seguridad nito.
Bukod pa rito, hindi lamang mga imprastruktura at mga gusali ang nilipat kung hindi pati na rin ang mga bayan.
Idinagdag pa ni De Viana na nakahadlang ang malakas na paglindol, sunog, at iba pang kalamidad na tumama sa siyudad noong sakop pa ng mga Kastila ang bansa.
Ipinagbawal ng mga mananakop ang paggamit ng light materials o mga kagamitang madaling masunog at masira, tulad na lamang ng pawid, kogon, kawayan at kahoy, sa mga tinatawag na “zones of masonry work.”
Tinalakay din sa kumperensiya ang kasaysayan at kuwento ng Maynila mula sa iba’t ibang anggulo tulad na lamang ng arkeolohiya, relihiyon, at maging sa aspekto ng pangangalakal.
Sa saliksik na “Linking the Philippines and the World: Archaeology and Prehistory of the Philippine Islands” ni Mary Jane Louise Bolunia, museum researcher ng National Museum of the Philippines, tinalakay niya ang kahalagahan ng arkeolohiya sa pagtuklas ng nakaraan ng bansa.
Sa usaping relihiyon naman, tinalakay ng mga historyador na sina Regalado Trota-Jose, Felice Prudente Sta. Maria, Paul Dumol, John Crossley, Grace Liza Concepcion, at Romeo Galang, Jr. ang mahalagang tungkulin na ginampanan ng Kristiyanismo sa pag-ukit ng kasaysayan ng bansa.
Binigyang-pansin ang malaking bahagi ng pakikipagkalakalan ng mga Tsino sa pagbabago ng ekonomiya, relihiyon, at politikal na mga polisiya ng bansa sa saliksik ni Tina Clemente, isang propesor sa Asian Center ng University of the Philippines-Diliman.