MULING pinarangalan ang dalawang Tomasino sa ika-63 na Don Carlos Palanca Awards for Literature, Setyembre 1 sa Peninsula Hotel, Makati.

Nakamit ni Eros Atalia, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, ang unang gantimpala sa kategoryang Nobela para sa kaniyang “Tatlong Gabi, Tatlong Araw.” Samantala, itinanghal naman sa ikalawang puwesto sa Poetry ang koleksiyong “Crown for Maria” ni Carlomar Daoana, dating associate editor ng Varsitarian.

Noong 2006, nasungkit ni Atalia ng unang gantimpala para sa kaniyang “Intoy Syokoy sa Kalye Marino” sa kategoryang Katha. Sa nakaraang taon naman nakuha ni Daoana ng unang gantimpala sa Poetry dahil sa kaniyang “The Elegant Ghost.”

Ginawaran din ng Gawad Dangal ng Lahi ang Tomasino na si Cirilo Bautista, isang batikang kuwentista at kritiko.

Ang Carlos Palanca Awards ay ang pinakamatagal na pampanitikang patimpalak sa bansa. Ngayong taon, mahigit 1,100 akda ang ipinasa sa kompetisyon.

Misteryo at kababalaghan

Ayon kay Atalia, umiikot ang kaniyang nobela sa isang pamayanang namuhay nang masagana matapos ang digmaan laban sa mga Hapon. Ngunit isang araw, pumunta ang isang mamamahayag doon upang isaboy ang abo ng kaniyang ina. Mula rito ay natunghayan ng mamamahayag ang mga hindi maipaliwanag na pagsabog at pagkawala.

Bukod sa paglilimbag ng Visprint sa akda, sinabi ni Atalia na binabalak nang isapelikula ang kaniyang nobela.

“Nasa ikatlo o ikaapat na kabanata pa lang, kinausap na ako ni Chito Roño para gawing pelikula [ang nobela],” aniya.

Panulat Tomasino

Ayon kay Daoana, ang kaniyang koleksiyon ng mga tula ay tungkol sa meditasyon at repleksiyon na sumisimbolo sa kaniyang ina.

READ
Parangal-pampanitikan ng Unibersidad

“Sa isang tula, tinangka kong balangkasin ang buod na kaniyang buhay at kung paano ito nakatagni sa simbolo ng isang ispiritwal na ina, ang Birheng Maria,” aniya.

Ang ilan pa sa kaniyang mga tula ay tungkol sa pagkakaroon ng pag-asa sa kabila ng kahirapan.

Tungkol naman sa kabuuan ng panitikang Filipino, naniniwala si Daoana na patuloy ang Unibersidad sa pagpapayaman ng literatura. Dagdag pa niya, uunlad pa ang panitikan dahil sa mga propesor na manunulat din.

“Sa tingin ko, mas kikinang pa ang pagsusulat sa Filipino dahil sa impluwensiya, dedikasyon at husay ng mga propesor, tulad ni Eros Atalia,” ani Daoana. “Mahalaga ang pagkakaroon ng mentor lalo na sa mga nagsisimula pa lamang.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.