PAGDATING sa teknikal na kahulugan ng oras, iisa lamang ang dapat sundin na pamantayan. Ngunit kung pag-uusapan sa kulturang Pilipino, ang nakatakdang oras ay maaaring maging mamaya o hindi na lamang. Ano nga ba ang dapat sundin?
Noong unang araw lamang ng Enero, pormal na idineklara ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administation (PAG-ASA) ang Philippine Standard Time (PhST) na magtatakda ng iisang pamantayan ng oras sa buong bansa. Nilalayon ng kautusang ito na baguhin ang nakagawian at nakaukit nang nosyon na “Filipino time,” isang kaisipan na isang oras na atrasado ang tinakdang aktibidad o gawain.
Ayon kay Mario Raymundo, ang punong-inhinyero ng Astronomical Observation and Time Service Unit ng PAG-ASA, isa sa mga pangunahing layunin PhST ay upang maiwasan ang negatibong konotasyon ng Filipino Time mula sa pagiging huli sa oras, maling disiplina, at pagsasawalang-bahala sa oras ng ating kapwa.
“Ang madalas na pagkahuli sa mga bagay-bagay ay magdudulot ng maraming mga masasayang na pagkakataon,” ani Raymundo.
Ayon kay Augusto De Viana, tagapangulo ng Department of History ng Unibersidad, mayroong magandang maidudulot ang pagtatalaga ng iisang pamantayang oras sa bansa.
“Makakatipid sa oras at magiging mas produktibo ang [mga Pilipino] sa pagdaraos ng mga aktibidad at iba pang pagpupulong dahil alam na nila kung kailan ito magsisimula at matatapos.”
Bukod pa rito, napapanahon lamang na baguhin na ang negatibong konseptong ito upang makasabay ang Pilipinas sa pag-ulad ng mga karatig bansa.
Aniya, madaragdagan din ang propesyonalismo ng mga Pilipino hindi lamang sa larangan ng negosyo o paglilingkod sa bayan kundi pati na rin ang pagiging tunay na makatao ng bawat isa.
Kahulugan ng Filipino time
Nabanggit din ni Jose Rizal sa kaniyang mga tanyag na nobelang pinamagatang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ang pagbibigay kahalagahan ng mga Kastila sa kanilang posisyon sa pamamagitan ng tahasang pagpapahuli sa mga okasyon tulad na lamang ng gobernador heneral at ng iba pang mga tauhan sa nobela ni Rizal.
Gayunpaman, sinabi ni De Viana na ang negatibong konotasyon ng Filipino time ay kailanman hindi maituturing na bahagi ng kultura ng bansa.
Aniya, nagmula ang konsepto ng Filipino time noong panahon ng kolonisasyon ng mga Kastila sa bansa. Mula sa kanilang malimit na pagdaraos ng mga piging at salu-salo, napansin ng mga Pilipino na parating huli kung dumating ang mga pinakamahalagang tao sa lipunan na Kastila.
Dahil rito, nagkaroon ng nosyon sa kaisipan ng mga Pilipino na ang siyang huling darating ang pinakamahalaga.
Nang umalis ang mga Kastila sa bansa, nakuha ng mga Pilipino ang kanilang kaugalian na magpahuli upang ipabatid sa nakararami ang kanilang kahalagahan. Magmula noon, bagaman maaga kung gumising, nagpapahuli na rin ang mga kilala at mga may kayang Pilipino sa pagdating sa iba’t ibang pagpupulong o mga piging.
Nang masakop ng mga Amerikano ang bansa, napansin nila ang pagiging huli ng mga Pilipino kung kaya binigyan nila ito ng negatibong pakahulugan na hindi marunong magpahalaga sa oras ang mga Pinoy. Tinawag nila itong “Filipino Time,” na nakaugalian nang gamitin at naging bahagi na ng kulturang Pilipino magpasahanggang sa kasalukuyan.
PAG-ASA bilang opisyal na timekeeper
Makailang beses na ring nagpatupad ng mga panukala ang pamahalaan ng bansa upang maiwasan lamang ang negatibong nosyon na ito sa kulturang Pilipino.
Unang sinimulan ang Philippine Standard Time (PhST) noong ika-2 ng Hunyo, 1977 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1149 ni dating pangulong Ferdinand Marcos na nagsasabing ang PAG-ASA ang magiging opisyal na time service agency ng Pilipinas na responsible sa pagpapalaganap ng PhST.
Matapos aprubahan ang atas na ito, agad namang ipinatupad ang Batas Pambansa Blg. 8 noong taong 1978 na nagtalaga sa PAG-ASA bilang opisyal na timekeeper ng Pilipinas.
Subalit bagaman matagal nang naisakatuparan ang batas na magpapatibay sa PhST, inabot pa ng 35 na taon bago tuluyang magpatupad ng isang matatag at masinsinang batas ukol dito. Ito ay ang Philippine Standard Time Act of 2014 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Disyembre ng nakaraang taon. Sa pamamagitan nito, lahat ng mga orasan sa bansa ay isi-synchronize sa opisyal na oras ng PAG-ASA.
Pagpapatibay dito ang kampanya ng PAG-ASA na tinawag na “Juan Time: Pinoy Ako, On-Time Ako!” alinsunod sa National Time Consciousness Week na sinimulan noong pinakaunang araw ng 2014. Naisagawa ito sa tulong ng mga iba’t ibang organisasyon, particular na ang mga mobile communications business companies gaya ng Smart at Globe.
“Kaya naman ngayong simula ng 2014, umaasa kaming magkakaroon ng pagbabago sa pag-uugali ng mga Pilipino pagdating sa pagpapahalaga nila sa oras ng kanilang kapwa,” ani Raymundo.
Sakop ng batas na ito ang lahat ng mga pambansang ahensiya ng bansa—kasama na ang mga state universities and colleges at mga government-owned and controlled corporations, lahat ng mga local government units, lahat ng mga istasyon ng telebisyon at radyo ng pamahalaan, lahat ng mga pribadong istasyon ng telebisyon at radyo, at lahat ng mga pribadong korporasyon o ahensiya sa bansa.
Maging sa Unidersidad, walang dahilan ang mga Tomasino sa pagiging huli sapagkat mayroong mga GPS clock sa mga gusali na nakabatay sa mga atomic clock ng PAG-ASA.
Ayon kay Raymundo, ang halagang ginamit sa pagpapasakatuparan ng batas na ito ay nakasalalay sa General Appropriations fund ng PAG-ASA. Sa kasalukuyan, nakapag-install na sila ng 7 na units sa Malacañang at 4 na units sa PAG-ASA Regional Services Division.
Aniya, ang kabuuang proyektong ito ay mangangailangan ng mga celsium clock na nagkakahalaga ng mahigit P50 milyon upang maipatupad sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, nais pang paigtingin ng PAG-ASA ang paglalagay ng mga time display sa lahat ng mga establisyimento at gusali sa Metro Manila kung saan ito ay lalagyan din ng Network Time Protocol o iyong tinatawag na Global Positioning System (GPS) kung saan maaaring isabay ng mga pangkaraniwang mamamayan ang kanilang mga orasan sa PhST.
Isang malaking hakbang ang pagpapatupad ng PhST upang maiwasan na ang negatibong konotasyon ng Filipino Time.
“Umaasa kaming ito na ang simula ng tamang paggamit ng PhST. Para din ito sa kinabukasan ng mga Pilipino. Ang oras ay mahalaga dahil nagtataguyod ito ng disiplina, tamang pakikipagkapwa-tao, at ang pinakamahalaga sa lahat, magiging hudyat ito upang simulan na nating bigyan ng halaga at paggalang ang oras ng ating kapwa,” aniya.
Ayon kay De Viana, hindi lamang ang pamahalaan ang dapat manguna sa pagsasaayos ng “Filipino Time,” kinakailangang makiisa ang bawat Pilipino sa pagbago ng negatibong konseptong ito upang maging matagumpay ang pagsasatupad ng “Philippine Standard Time. ”
“Alisin natin ang lumang konsepto ng Filipino time na laging atrasado dahil ito ay hindi makakabuti sa bansa,” aniya. J.V. Marcos at J.C.R. Obice