LAHAT man ng mga naratibo ay nagawa na, may kaniya-kaniyang paraan pa rin ang mga manunulat sa paglalahad ng mga kuwento.
Nagbigay ng iba’t ibang paraan sa pagbuo ng isang malikhaing akda ang ilan sa mga kilalang manunulat sa isinagawang seminar-workshop na pinamagatang “Teksakto: Mga Teknik sa Pagsusulat ng Panitikang Popular” noong ika-9 ng Marso sa Melchor Hall, University of the Philippines-Diliman (UP).
Ayon kay Chuckberry Pascual, isang mandudula at propesor ng Filipino sa Unibersidad, ang mga manunulat, lalo na ang mga nagsisimula pa lamang, ay hindi dapat matakot sa kawalan ng orihinalidad sa naisip na tema dahil nagiging kaiba lamang ang isang akda mula sa iba depende sa kung paano ito ilalahad o “ang sarili mong ‘take’ sa istorya.”
“Halimbawa, napakalawak ng tema tungkol sa kasamaan ng pagnanakaw [pero] maraming puwedeng iba’t ibang manipestasyon sa naratibo ng kasamaan ng pagnanakaw,” aniya.
Dagdag ni Pascual, ang mga mandudula at iba pang manunulat ay dapat walang sawang nanonood at nagababasa ng mga akda, partikular na ang mga lokal na gawa, upang maging gabay at inspirasyon sa pagsusulat.
Sinabi naman ni Joselito de los Reyes, isa ring propesor ng Filipino sa Unibersidad at manunulat, na pagdating sa pagsusulat ng mga nakatatawang akda o biro, kailangang tukuyin ng isang may-akda ang kaniyang mga mambabasa o “collective” upang mas marami ang makauunawa at matatawa sa mga isinulat.
“’Yung hindi matatawa, hindi kasama ng collective ng joke,” aniya. “In humor writing, dapat alam mo ang relihiyon ng collective mo at kailangang interesado ka talaga sa mga buhay nila.”
Ani De los Reyes, may tatlong bahagi ang isang biro—ang “set” na backdrop o pinakakuwento ng akda; ang “polarity” na naglalayo sa nakatatawang bahagi ng akda; at ang “punch” na kadalasang hindi inaasahang ibinibigay ng isang akda.
“May dalawang gamit sila—ang tanggalin ang mga hindi bahagi ng collective at pag-isahin ang mga kasama sa sirkulo,” aniya.
Nagbanggit si De los Reyes ng tatlong teorya tungkol sa mga akdang nakatatawa—ang “relief theory” na nakatutulong kung may problema ang isang indibidwal; ang “superiority theory” kung saan tumatawa ang isang tao dahil sa kahinaan at pagkakamali ng iba; at ang “incongruity theory” na tumatawa ang mga tao mula sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
Ngunit sa pansarili niyang pananaw, sinabi niyang may dalawang uri lamang ng katatawanan: ang “canned humor” o mga kabisado at nababasa nating jokes sa text messages at sa mga libro, tulad ng serye ng katatawanan na “Wala ‘yan sa lolo ko.” Ang isa naman ay ang “adaptive humor,” na kung saan iniaakma ang isang joke sa angkop na sitwasyon.
Kilalanin ang mga tauhan
Naniniwala naman si Eros Atalia, batikang kuwentista at isang propesor ng Filipino sa Unibersidad, na dapat bigyang pag-aaral ang mga ginagawang tauhan upang maging epektibo at interesante ang problema ng isang kuwento.
“Anuman ang sobra at kulang sa pag-iisip at pagkilos ng mga karakter ang lumilikha ng problema sa kuwento,” aniya.
Ngunit iginiit ni Atalia na ang problema ng isang tauhan ay hindi dapat ibatay sa problema nito simula’t sapul pa lamang.
“Ang dapat alalahanin ay kung ano ang magiging problema ng karakter sa problema niya,” aniya. “Dapat isipin kung paano ilalahad ang problema niya.”
Ayon kay Beverly Siy, manunulat propesor ng Malikhaing Pagsulat sa UP, mainam na lagyan ng alliteration o pag-uulit ng mga tunog ng mga titik “a” at “e” sa mga pangalan ng mga bida ng mga akdang pambata upang mas madaling matandaan ng mga mambabasa.
“Mas malaro ang pangalan ng tauhan, mas mabilis maalala,” aniya. “Kaya mas maganda rin na sa mga ganitong akda na ang pangalan ng bida ang mismong pamagat nito.”
Ipinaliwanang ni Siy na may tatlong uri ng problema sa isang kuwento—problema sa loob o sarili, problema ng kapuwa at problema sa kalikasan. Ngunit ipinaalala niya na sa panitikang pambata, hindi kailangang malalim ang pinaghugutan ng problema.
“Pumili kayo ng isang pagmumulan ng problema mula sa ‘perfect combo meal’ na ito: karaniwang ugali, katangian o hilig,” ani Siy, na nagsabi na hindi kinakailangang artista o masalimuot ang pinanggalingan ng bida.
Ayon kay Atalia, ang mga tauhan ay mayroong iba’t ibang rehistro ng wika kaya ang isang tauhan ay dapat kumilos, mag-isip at magsalita ayon sa kinakatawan nitong karakter.
Sinabi niya na ang nobela ay maaaring “character-driven,” kung saan walang puwedeng pagbigyan sa kuwento ay ang tauhan na iyon o “plot-driven,” kung saan ang mismong pangyayari ay mas malaki pa sa kuwento ng mga tauhan.
Ang isang plot-driven na kuwento ay maaaring sumunod sa isang “linear” na balangkas o sunod-sunod na mga pangyayari, “non-linear” o hindi sunod sunod na mga pangyayari sa kuwento at “cyclical” o ang paikot-ikot na daloy ng kuwento.