PALUWA na ang araw nang umabot si Hulian at ang iba pa niyang kasamang sundalo sa San Fernando. Ikalimang araw na nang pagmamartsa at kaunting lakad na lamang ang kakailanganin. Tagaktak na ang pawis mula sa kaniyang pisngi at puno na ng pasa ang kaniyang mga binti na parang bibigay na sa susunod pa niyang paghakbang. Gayunpaman, ang silahis ng araw na tila tinutusok ang kaniyang balat ang bumubuhay sa kaniyang loob na umabot sa Camp O’Donnell.
Si Hulian ay isang komandanteng nagmula pa sa kabundukan ng Ilagan sa Cagayan. Pinasok niya ang hukbo sa pagnanais na tumulad sa tanyag niyang ama dahil sa pambihira nitong galing sa pakikipaglaban at sa natatangi nitong pamumuno—isang nakuhang respetong hanggang ngayon ay makikita sa kung paano tratuhin si Hulian. Ngunit hindi niya sinamantala ang kantanyagan dahil gaya ng iba, nagdaan siya sa mga pinakamahihirap na pagsasanay kung saan kaniyang kahusayan sa pakikipaglaban at dedikasyon sa serbisyo ang nag-angat sa kaniya sa hukbo.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, mas mabigat ang dahilan niya sa pagsapi sa Katihan. Mulat sa buhay noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang ama niya ang nagsalaysay sa hindi makatarungang pagkitil sa buhay ng mga Pilipinong nagsasalita para sa kalayaan. Kuwento nito, naging biktima ang lolo niyang nakita na lamang na pugot na ang ulo at dinidilaan pa ng aso sa daan, habang ang kaniyang lola ay walang habas na ginahasa at pinagbabaril ng isang Kastilang sundalo. Mga kuwentong iyon ang nag-udyok kay Hulian upang ipaglaban ang katarungan. Higit pa rito, nais niyang protektahan ang kaniyang iniirog sa katauhan ng isang Amerikanang nars na ipinadala sa bansa bago pa man ang Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Nagpakasal sila matapos ang ilang taon ngunit ang minsang plinanong pamilya ay hindi naisakatuparan. Ngayong walang kasiguraduhan ang kaligtasan nila, labis siyang nagsisisi na wala man lang siyang anak na magsisilbing alaala sa asawa sakaling siya’y mawala.
Alam na nila na mgaganap ito. Gaano man naghanda ang sandatahan, alam nilang may kakarampot na tiyansa lamang silang manalo. Maraming umasa na lamang sa Poong Maykapal gamit ang dasal bilang pananggalang sa mga baril at kalungkutan.
Sumabay sa bukang-liwayway ang sigaw ng mga sundalo, ang aringasa na hudyat na ng laban. Dali-daling siyang gumayak at tumakbo sa direksyon ng klinika ng kaniyang asawa upang makita man lamang sa huling sandali ngunit natigilan siya. Hinampas siya ng katotohanan—isa-isa nang nagsisitumbahan sa lupa ang iba’t ibang parte ng katawan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na kung hindi ginigilit ng samurai ay niraratrat ng mga bala ng mga kalaban.
Sa pagpapatuloy ng digmaan, unti-unti ng nabubuwag ang depensa ng Pilipinas. Isa-isa nang napapasakamay ng mga mananakop ang mga lugar at mga kampo ng Katihan. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang laban ng mga natitirang mga sundalo. Ngunit sa huli, tuluyan nang nabuwal ang Corregidor, ang depensang nagpatagal sa tuluyang pananakop. Ngayong napasakamay na nila ang buong bansa, na ang sinumang sasalungat sa imperyong hukbo ng mga Hapon ay walang habas na papaslangin.
Naging bilanggo ng digmaan si Hulian, sunud-sunuran sa utos ng mga Hapon. Kamao o bayoneta ang katumbas ng bawat kamalian nila. Itinuring na patay, pinagkaitan sila ng pagkain at inumin habang nagmamartsa patungo sa kanilang hukay. Ang ilang sundalo ay pinupugutan ng mga Hapon bilang katuwaan, mga sigaw ng pagmamakaawa na ang huling salitang binibigkas. Sa mga hindi na kayang lumakad o tumayo, sila ay hinahataw sa tuhod sa may bandang litid upang tuluyang malumpo.
Marami sa mga kasamahan ni Hulian ang namatay dala ng matinding init, gutom at pagod. Ang mga sundalong naubusan na ng pisikal na lakas ay pinupugatan na lamang gamit ang espada o sinasaksak gamit ang bayoneta. Maging ang mga bangkay ay hindi pinalampas at pinadadaanan pa ng trak hanggang sa magkadurog-durog at mabaon sa lupa. Tanging ang bakas ng mga gulong na lamang ang makikita.
Mga isandaan o higit pang mga sundalo ang pinagkasya sa bawat kahon ng tren papuntang Capas. Nang makarating doon, muli silang pinagmartsa ng siyam pang kilometro hanggang sa Camp O’Donnell, ang kampo ng Hukbong Katihan ng Pilipinas na nagsilbing garison noong panahong iyon. Dito ikukulong lahat ng natitira pang mga bilanggo ng digmaan.
Ilang araw siyang tila nawawala, hindi na alam kung ano pang dahilan para mabuhay, ngunit bigla siyang nakaalala. Nais niya pang makita ang asawa at makapagsimula ng payak na buhay. Naalala niya ang Ilagan at ang mga maiiwan dito. Ninais niyang mabuhay, dala ang pag-asang makikita pa niya ang mahal niya sa buhay. Nakita ni Hulian ang buhay niyang unti-unting hinihigop na ni Kamatayan habang ang ilan sa kaniyang mga kasamahan ay nagboboluntaryong patayin na lamang. Ngunit lumaban ang isip niya, na mula sa punto ng pagbubuwis ng buhay para sa bayan, tinapik siya ng pag-asa sa sitwasyong ang lahat ay tumalikod na rito.
Ngayon niya naintindihan ang lahat. Madaling mamatay. Madaling mamatay para sa kung anumang bagay na may kabuluhan. Madaling mamatay para sa mga minamahal, sa kinabukasan at sa bayan. Naisip ni Hulian, higit nga naman palang mahirap ang mabuhay lalo na kung ang bawat paghakbang niya ay siya namang pag-igsi nito.
Tapang, naisip niya. Ngayong nalapit siya sa kamatayan, nananaig ang pag-asang mabubuhay pa siya. Kung ang pagmartsa patungo sa Camp O’Donnell ay katapusan na para sa iba, isa lamang iyong pansamantalang pagtigil para kay Hulian. Magpapatuloy siya sa martsa. Walang nakakaalam kung kailan matatapos o kung matatapos nga ba ang paghihirap na ito, ngunit hanggang sa araw na iyon, mananatili siyang bilanggo ng buhay. Sa ngayon, tuloy ang laban—higit sa katarungan para sa bayan, ngunit para rin sa kagustuhan niyang mabuhay para sa sarili.