PINANGUNAHAN ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ang pagdaos ng “Bantay Wikang Filipino: Ang Pagtuturo ng Filipino sa Kolehiyo” noong ika-23 ng Hunyo sa Bulwagang Rizal ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, University of the Philippines-Diliman bilang pagtutol sa Memorandum Order No. 20 Series of 2013 ng Commission on Higher Education (CHEd).
Ayon sa memorandum na ipinalabas ng CHEd, tatanggalin ang siyam na yunit ng Filipino sa General Education Curriculum (GEC) at sa halip ay pahihintulutan ang pagtuturo ng mga aralin sa Ingles o Filipino depende sa kagustuhan ng paaralan.
Alinsunod ang kautusang ito sa layunin ng CHEd na umayon sa goals ng United Nation’s Millennium Summit na magkaroon ng reporma sa edukasyon upang masulusyunan ang kawing-kawing na problema sa kahirapan, kababaihan, kalusugan at kapaligiran sa pamamagitan ng paghahanda sa mga mag-aaral ng high school sa mga pagbabagong idinulot ng globalisasyon sa kasalukuyan.
Dahil rito, tinutulan ng DFPP ang memorandum sapagkat isa ito diumano’y lumalapastangan sa .pagpapahalaga sa kasaysayan, karunugan at diwa ng mga Filipino sa kabila ng sinasabing layunin ng pagpapatupad nito.
Ayon kay Rosario Torres-Yu, direktor ng Sentro ng Wikang Filipino, bukod sa pagtangkilik sa wika, nakaligtaan din ng CHEd na isaalang-alang ang kapakanan ng mga guro ng Filipino na tiyak mawawalan ng trabaho sa sandaling tanggalin ang Filipino sa kolehiyo.
“Hindi rin sila [mga guro] makakapagturo sa high school kasi kailangan ng licensure o nakakuha ng board exam para magturo. At kung General Education Curriculum naman sa tertiary ang kanilang ituturo, kinakailangan na inter-disciplinary o madami ang asignaturang nalalaman at gagamitin lamang nila ang Filipino upang maituro ito,” aniya.
Dagdag pa ng DFPP, papatayin pa lalo ng bagong sistemang kanilang ipatutupad ang pagpapahalaga sa ating wika dahil makukulong ang tao sa ideyang dahil sa globalisasyon, mas karapat-dapat gamitin ang salitang Ingles
Ayon naman kay Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, nakukulong ang mga Filipino sa paniniwalang ang pag-aaral ng wikang banyaga at pagdaragdag ng dalawang taon bilang pakikitulad sa sistema ng edukasyon sa mga mayayamang bansa ang solusyon sa mga problemang nasyonal, kaya naman nawawala ang pagpapahalaga sa sariling wika.
“Nakikita natin ang mga Pilipinong lumilipat ng bayan para makapaghanap buhay sa labas ng bansa at naglilingkod sa mga multinational na kumpanya,” aniya.
Sa kabilang banda, bagaman hindi tahasang maglalaho ang Filipino sa kolehiyo, iginiit ni Dr. Glecy Atienza, propesor sa DFPP, na hindi ito sapat upang masiguro na mapapanatiling buhay ang pagtangkilik sa wika.
“Ang pag-aaral ng wikang Filipino ay hindi dapat maging choice, dapat itong maging paninindigan,” ani Atienza.
Bukod pa rito, naniniwala si Atienza na higit na maiintindihan at mapahahalagahan ng mga mag-aaral ang pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo kaysa sa elementarya at high school.
“Napakahalagang linangin ito (Filipino) sa antas o edad na mas mayroon tayong pagkahinog o maturity dahil sa kapag nasa kolehiyo ka na, nagsisimula ka na sa pagtahak ng larangan o disiplina na gusto mo talagang gawin,” aniya.
Pagka-Filipino ng wikang Filipino
Sa pahayag naman ni Luna Sicat-Cleto ng DFPP, hindi lamang isang pagtataksil sa sariling lahi kung hindi isang pagpapatunay sa kamangmangan at hindi pag-iisip ng mga Filipino ang ipinalabas na memorandum ng CHEd.
“Para mong ipinagkanulo na ang sarili mong wika, ang sarili mong sandata upang maging malaya, matalino at paraan upang may maabot ka sa buhay, hindi lang para sa sarili mo kung hindi pati na rin sa mga may kaugnayan sa iyo,” ani Cleto.
Dagdag pa rito, tahasang binabalewala ng bagong memorandum ang kasaysayan ng wikang pambansa at ang mahalagang papel ng wika sa pagpapaunlad ng isang bayan.
Bilang pagsang-ayon kay Cleto, idinagdag ni Atienza na bukod sa pagiging susi ng pag-unlad, higit na mahalaga na isaisip at isapuso na ang wikang Filipino ang nagsisilbing tatak ng pagiging Filipino sapagkat ito ang humubog at patuloy na humuhubog sa bayan.
“Kung hindi sariling wika ang gagamitin natin, manananakawan tayo ng pagkakataon na tuklasin yung kaalaman na nakabaon sa ating wika at kasaysayan na tayo lamang ang maaaring makakalag at makatuklas,” aniya.
Sa huli, naniniwala si Atienza na isang magulo at mahabang diskusyon pa ang kakailanganin upang lubos na maunawaan ang kahalagahan ng wika at mahimok ang karamihan na tutulan ang memorandum sa ipinalabas ng CHEd.
“Hindi natatapos ang wika sa usaping wika, usapin ito ng paninindigan at kabuhayan na siyang lumikha sa kung ano tayo ngayon,” aniya.