KINILALA ang ambag ng dalawang Tomasino sa wikang Filipino sa kani-kanilang larangan sa nagdaang Buwan ng Wikang Pambansa.

Iginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kay Prop. Florentino Timbreza, propesor ng UST Graduate School, ang “Gawad Dangal ng Wikang Filipino” para sa kaniyang kontribusiyon sa pagpapaunlad ng wikang Filipino at larangan ng Pilosopiya, noong ika-19 ng Agosto sa Sulo Riviera Hotel, Lungsod Quezon.

Ipinagkakaloob ang parangal sa mga piling indibidwal na may angking kontribusiyon sa pagpapaangat ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan at dominyo ng kapangyarihan, ayon sa KWF.

“[Binibigyang] pagpapahalaga nito (Gawad Dangal ng Wikang Filipino) ang aking matagal na pagsisikap at pagpupursigi na mapaunlad ang wikang Filipino,” ani Timbreza sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon sa KWF, napayabong ni Timbreza ang larangan ng Pilosopiya sa bansa mula sa kaniyang pandoktoradong disertasiyon hanggang sa ngayon.

“Nag-iwan ng mohon sa pambansang wika ang kaniyang doktoradong disertasiyon at yumanig sa daigdig ng Pilosopiya ang kaniyang unang aklat. Binuksan niya ang pinto sa mga katutubong kultura at malinaw na inilarawan ang hugis ng kaisipan at kaloobang Filipino,” pahayag ng KWF.

Tinaguriang “Ama ng Pilosopiyang Filipino” si Timbreza dahil sa kaniyang pagpapalawig sa larangan ng Pilosopiya sa bansa, maging ang kaniyang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo. Pinakilala rin niya ang “Pilosopiyang Filipino” na nakabatay sa mga katutubong pananaw sa bansa.

Sa katunayan, siya ang unang nakapagpalimbag ng aklat tungkol sa Pilosopiyang Filipino at kaakda ng kauna-unahan at nag-iisang ensiklopediya ng Pilosopiya sa bansa noong 1983.

Sa kasaysayan ng edukasiyon sa Filipinas, si Timbreza ang kauna-unahang nagsulat at nagdepensa ng disertasiyon gamit ang wikang Filipino para sa kaniyang pagkadoktorado sa Pilosopiya sa Unibersidad noong 1980.

READ
UST security guards save day

Bukod sa pagiging propesor, isa ring tagasalin, kritiko at manunulat si Timbreza.

Samantala ipinagkaloob naman kay Victor Emmanuel Carmelo “Vim” Nadera Jr., dating patnugot ng Varsitarian at nagtatag ng taunang parangal pampanitikan nito na Gawad Ustetika, ang prestihiyosong “Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas” para sa Tulang Filipino, kaalinsabay ang ika-41 na Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong ika-28 ng Agosto sa Ateneo de Manila University.

Mula 1988, ginagawaran ng UMPIL ang mga Filipino na malaki ang naiambag sa pagpapayabong at pagpapalaganap ng panitikan sa iba't ibang kategorya at wika katulad ng Ingles, Hiligaynon, Iloko, Filipino at Cebuano.

Para kay Nadera, naiiba ang gawad na ito sa mga naunang parangal na kaniyang natanggap sapagkat kinikilala nito ang lahat ng kaniyang ginawa sa talambuhay niya bilang isang manunulat.

“Tinuhog nito ang lahat ng mga gantimpalang nakuha mo noon hanggang ngayon. Parang sinulid itong nagkukuwintas sa iyong sampal at halik ng mga karanasan. Ang galing nito ay galit sa ating kapuwa-manunulat,” ani Nadera sa isang email na ipinadala sa Varsitarian.

Kilala si Nadera bilang tagapasimuno ng Poetry Therapy sa bansa. Ito ang paggamit ng pagtula bilang terapiya sa mga pasyenteng may kanser at AIDS, at maging sa mga inabusong kababaihan at mga batang lansangan.

Siya rin ang pinakabatang makata na hinirang na Makata ng Taon noong 1985 ng dating Surian sa Wikang Filipino (ngayon KWF). Jasper Emmanuel Y. Arcalas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.