PASADO alas nuebe na nang makahiga si Ernesto at tanging ang bukas na telepono na lamang niya ang nagbibigay liwanag sa kaniyang kulob na silid.

Dahan-dahan niyang itinataas-baba ng kaniyang kanang hintuturo sa screen upang masulyapan ang laman ng kaniyang Facebook: mga bidyo ng makukulit na Corgi, mga meme nila Bill at Juan at mga galit na reklamo tungkol sa mga drayber ng taksi.

“Paulit-ulit na lang,” ani Ernesto sa sarili.

Nakaramdam na siya ng pagbigat ng kaniyang mga mata at dahan-dahang naglaho sa kaniyang paningin ang liwanag ng limang pulgadang screen ng kaniyang telepono.

Inalala ni Ernesto ang kaniyang nakatatandang kapatid, si Estrella, na nagtatrabaho bilang nars sa Singapore. “Kumusta na kaya siya?” Panaka-naka na lamang kung magpost si Estrella sa Facebook nito ng mga bagay tungkol sa kaniyang buhay.

Nakaramdam siya ng animo pagkakahulog mula sa kaniyang kama. Dire-diretso ang kaniyang pagbagsak sa isang lagusan.

Bumagsak si Ernesto sa isang kalye. Pamilyar sa kaniya ang lugar na kinahulugan. Tiyak niya ito dahil sa karatulang nabasa sa kanto—Laon-Laan.

Pinagmasdan niya ang kaniyang paligid. Nakakita siya ng isang 24/7 na tapsilogan sa kabilang kalye at tinungo ito.
“Hello ser, ano pong order nila?” pagbati ng isang lalaking naka-apron sa entrada.

Nagitla si Ernesto. Pamilyar sa kaniya ang lalaki. Pamilyar ang bilugang mga mata nito. Nakasalamin na may manipis na lente, may katangkaran, naka-army cut at katamtaman ang pangangatawan. Hinding-hindi ako magkakamali, ani Ernesto sa sarili.

“Sino ka?” tanong ni Ernesto sa kamukha.

“Ernesto ho. Anong order ninyo?” tanong ng lalaki.

READ
Different artistic media bring wooden blocks to life

Anong nangyayari? Lumabas siya mula sa tapsilogan.

Nagbago na ang paligid sa kaniyang paglabas. Nakatayo na siya sa Luneta. Kitang-kita niya ang monumento ni Rizal. Sa tapat nito, may grupo ng mga lalaking hindi magkandaugaga sa pagkuha ng magandang anggulo ng selfie.

Nabigla siya sa kaniyang nakita, puro magkamukha ito.

May nagrepikal sa bulsa ni Ernesto. Kinapa niya ito at kinuha. Telepono niya pala.

“Paano napunta sa bulsa ko ito?” pagtataka niya.

Binuksan niya ang telepono. May ilang bilang ng notipikasiyon siya sa kaniyang Facebook.

Ernesto added a photo of you.
Ernesto recently liked a post you are tagged in.

Ernesto tagged you in his photo: ‘With Rizal and the national photobomber!’

Tila naputulan ng dila si Ernesto sa nangyayari, iniisip niya kung ano ang eksplanasiyon sa lahat ng mga nangyayari.

Napalingon siya sa kaniyang kanan kung saan may kumpol muli ng kalalakihan.

Dinudumog ng tao ang isang lalaki, isang Ernesto rin. Nakikipagselfie ang iba pang mga lalaki sa kaniya na puro Ernesto rin.

Tinangkang makipag-usap ni Ernesto, umaasang maliliwanagan sa nangyayari.

Ngunit, bigla siyang nakaramdam ng pagyanig sa lupa. Sumunod ang isang malakas na kulog. Napapikit na lamang siya at naramdaman na niya ang pagkalog na kaniyang mga binti.

Namulat siya muli at nagbago na naman ang paligid. Nagmistulang gawa sa hologram ang mga poste ng elektrisidad at linya ng mga telepono. Ipinapakita sa poste ang mga istatus ni Ernesto sa Facebook, mga tweet at mga retrato sa Instagram.

Napalitan ang mga ulap ng mga retrato niyang may pinakamaraming like. Naging kulay asul naman ang daanan na nagpapalit-anyo—nagpapakita ng mga balidosong salita ni Ernesto sa Twitter—sa tuwing matatapakan.

READ
Komposisyon ng Filipinong Dominiko, 'jubilee hymn' ng Order of Preachers

“Buti pa ang Twitter 140 chars lang puwedeng sabihin. ‘Yung nanay ko unlimited!”

“What to do? #banyomoments #tronokoto”

Nawiwindang na si Ernesto sa nangyayari. Napansin niya ang isa pang kamukha na nakaupo lamang mag-isa sa may damuhan. Nilapitan niya ito at muling nagtangkang makahanap ng paliwanag sa nangyayari.

“Hi? Hello?”

Wala itong sinambit. Titig lamang.

“Ano ba naman ito?!” bulalas ni Ernesto.

Biglang umihip nang malakas ang hangin at tinangay ang telepono na hawak ni Ernesto at ng iba pang Ernesto.

“OMG! Hindi ko pa na-post ‘yung groupie natin!”

“Shet! ‘Yung istatus ko putol! Baka ma-misinterpret.”

“Teka sobra ng 5 characters ‘yung tweet ko. Hindi ko na-tweet!”

Nagkagulo ang mga Ernesto. Nagkalat at napatakbo sa mga poste kung saan nila sinubukang mag-Facebook ngunit hindi ito gumana. Ang iba ay napaluhod sa daan at pinaghahampas ito. Nagpapalit-palit ang mga tweet na pinakikita ng daanan. Sa sabay-sabay na paghampas nila rito bigla itong naging itim.

“Oh no!” sigaw ng lahat.

Naging kahapis-hapis ang tanawin ng Luneta sa pagwawala ng mga tao ukol sa kanilang problema sa social media.

Sa gitna ng lahat ng ito, nakatayo si Ernesto. Hindi nag-sasalita, hindi umiimik.

“Ganito ba ako? Tulad nila?” usisa niya sa sarili. “Hindi naman ‘ di ba? Hindi ako katulad nila!”

Muling umihip nang malakas ang hangin. Nahulog ang mga telepono mula sa kalangitan. Kumawala sa pagkakayakap ang mga lalaking yakap-yakap ang mga poste. Nagtakbuhan. Nagkatulakan. Tumingala si Ernesto. Sa aktong pagtingala niya, mabilis na nahulog ang isang telepono sa kaniyang mukha.

“Ugh.” Nakaramdam ng pangangalay sa mukha si Ernesto. Nakatulugan niya ang pagpe-Facebook kagabi, kaya’t sa mukha niya nahimlay ang kaniyang telepono. Saktong pumasok ang nars upang palitan ang laman ng suwero.

READ
No shortcuts to fine writing

“Good morning, sir. Lumabas po pala ‘yung mama ninyo para bumili raw ng almusal.”

Binuksan ni Ernesto ang Facebook niya. Mayroon siyang dalawampu’t tatlong notipikasiyon at mangilan-ngilang mensahe. Karamihan nagsasaad ng “like” sa kaniyang huling retratong pinaskil tungkol sa bagong biling asul na kotse limang araw na ang nakararaan. Sunod niyang pinindot ang mga mensahe. Ang isa mula sa kaklaseng, si Pete: “Pre, hinahanap ka na ni Ma’am Ethics, ma-FA (failure due to absences) ka na raw sa klase.”

Mayroon ding mensahe si Estrella.

“‘Yung kotse, huwag mo munang isipin. Insurance na bahala sa pagkakabangga noon. Pasensiya ka na hindi ako makauwi, alam mo naman dito sa Singapore.”

May sumulpot na chatbox.

“Pre! Nakalabas ka na?” Kay Pete ang chatbox.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.