“Presyo ng langis
sa malawakang merkado
bumagsak,” balita mula sa car radio
habang bumibiyahe pa-Clark Airport.
Pagdatal sa trangkahan ng paliparan
Ibinaba ni Tatay ang kaniyang
pulang maleta,
bumabakat ang mga ugat sa kamay
niya habang hinihila ito.
“Boarding gate for flight PR337
bound to Qatar is now open,”
ani ng public announcement.
Lumingon sa akin si Papa
Pagdating sa harapan ng check-in area.
“Mag-iingat ka anak.”
Pinipigilan ko ang maiyak.
Mahigpit ang aking hawak sa aking panyo.
Hinabol ko si Papa sa pagpasok niya
sa check-in area. Hinubad
at inabot ang suot kong bracelet na may krus.
“Wala kang isusuot ‘nak.”
“Basta dadating ka sa graduation
ng anak mong cum laude.”
Hinagkan ako ni Papa sa huling pagkakataon.
Mahigpit na mahigpit. “Magkikita
pa tayo ‘nak.” Nagcheck-in na si Papa.
Binitawan niya ang maleta.
Itinaas ang dalawang kamay
Kumaway-kaway.
Nginitian ko siya.
Napahawak ako sa skapularyong
suot na ibinigay
ni Papa kahapon.
Napasambit:
Gabayan mo siya, Ama,
Dahil hindi niya alam
Ang kaniyang ginagawa.
Jasper Emmanuel Y. Arcalas