“TYPE ‘Amen’ if you love Jesus” ang animo nakabibinging sigaw ng deskripsIyon ng larawan ng Banal na Puso ni Hesus na may mapungay na mata, nakabukas ang kanang palad na bahagyang nakaangat at kaliwang kamay na hawak ang kumikinang na puso.
“A-M-E-N,” tinipa ni Jude sa kaniyang keyboard na naglaho na ang ilang mga titik, upang sumunod sa 5,790 komento rito.
Nakababad na lamang siya sa kaniyang laptop habang nakaupo sa kama at tumitingin ng mga video, retrato, status at tweet sa Facebook at Twitter matapos panoorin ang live telecast ng isang misa sa telebisyon. Marami pang nakatiklop na pahina ng kaniyang aklat sa Chemistry na nakasilip sa kumot sa ibabaw nito sa gawing kaliwa niya. Patuloy ang paghapuhap ni Jude sa News Feed habang hinihintuan ang mga retrato ni Hesus at mga salita na galing sa Bibliya.
Agad na sinusunod ni Jude ang mga post na may kaugnayan sa Panginoon mapa-like, share o comment man dahil tila nakikiusap ang mga mata Niya sa mga retrato na sundin ang panuto na nakalagay rito.
Ilang sandali pa at nakita niya naman ang retrato ng isang hindi niya kilalang batang babae na nakahiga sa kama ng isang ospital. Tabingi ang mga labi. Tagilid ang ulo at kulubot ang mga kamay at daliri niya. Isinasaad ng deskripsiyon ng larawan na mayroong Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS) ang bata, isang malubhang karamdamang naaapektuhan ang utak at spinal cord kung kaya’t hindi na maigagalaw ang halos lahat ng bahagi ng katawan.
Nakita niya pa ang komento niyang “Amen” noong isang linggo dahil ayon sa retrato: “1 ‘Amen’ = 1 prayer.” Nag-comment ulit siya ng ‘Amen’ dahil nakita niya na mula sa 3,782 na mga comment noon, 5,973 na ang mga ito ngayon.
Kinuha ni Jude ang makapal na aklat ng Chemistry at binilang ang mga pahinang nakatiklop. Bubuklatin na niya ito nang biglang tumunog ang notification sa Facebook—ni-like ng isa niyang kaibigan ang kaniyang retrato ng batang pulubing binigyan niya ng tirang siomai na may kanin noong nakaraang linggo.
Naglalakad noon sa kalye ng Dapitan si Jude matapos mananghalian bitbit sa kanang kamay ang styro ng pagkain na mula sa Dimsum Treats na medyo may kagaanan na. Tangan niya naman sa kaliwa ang iPhone 6 na nakabukas na ang kamera. Hinanap niya ang mga magagaslaw na batang pulubing mas magaling pa sa kaniya sa matematika sa pagsagot ng square root problems. Ilang saglit pa at nakita na niya ang magbabarkadang musmos na magkakahiwalay na humihingi ng kung hindi barya, ang kinakain mismo ng mga estudyante sa kalye.
“’Te, penge barya” usal ng mga bata sabay tapat ng marungis na kamay malapit sa puting uniporme ng mga mag-aaral kaya’t bahagyang napaatras ang mga ito matapos umiling nang matindi.
Nilapitan si Jude ng isa sa mga musmos. “Kuya akin na lang ‘yan,” ani ng batang nakasuot ng sandong manipis at saluwal na pinaitim ng grasa. Agad na ibinigay ni Jude ang styro. “Kuya, salamat,” ani ng bata sabay upo sa isang bahagi ng bangketa na pinagigitnaan ng dalawang kotse. Nang binuksan ng bata ang styro, kaagad itong kinuhanan ni Jude ng retrato at umalis.
“Jude, magwalis ka muna rito sa sala!” sigaw ng kaniyang nanay na nasa unang palapag ng kanilang bahay. Bumalikwas ng tayo si Jude sa kama at bago lumabas ng kaniyang kwarto at nag-tweet ng “will do some house chores.”
Pagkatapos magwalis, humilata ulit siya sa kaniyang higaan at tumapat sa laptop. Sinipat niyang muli ang makapal na Chemistry book na nakasilip sa likuran ng laptop. Kinuha niya ito at tiningnan ang mga naka-bold na termino, ang pamagat ng kabantang kaniyang babasahin at tinipa ang mga ito sa Youtube – baka sakaling mayroong Youtuber na nagmagandang-loob upang gumawa ng video tutorial tungkol sa balancing chemical equations.
Nakahinga nang mapayapa si Jude nang matapos na niyang mapanood ang 30 minuto na video tungkol sa mga chemical equation para sa kaniyang pagsusulit kinabukasan.
Patuloy ang pag-angat ni Jude sa mga video, retrato at iba pang na-share ng kaniyang mga kaibigan sa Facebook. Ilang sandali pa, ibinalik ng “Memories,” kung saan ipinapakita ng Facebook ang iyong mga inilabas na retrato isa o mahigit pang taon ang nakalipas, ang isang retratong nai-post niya dalawang taon na ang nakararaan. Makikita rito ang isang altar at dalawang malaking kandila na pumapagitna sa kabaong ng kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Nakaitim ang mga kamag-aral na nasama sa larawan habang nakayuko at pantay ang mga mukha.
Napahinto si Jude sa pag-angat sa kaniyang news feed. Pinagmasdan niya ang larawan at ilang sandali pa, pinindot niya ang “share.”
Bahagya siyang naluha sa retratong nakita. Kinuha niya ang kaniyang iPhone 6 at tiningnan muli ang mga retrato nila ni Luke. Nang binalikan ni Jude ang kaniyang laptop, umani ng 80 likes ang retratong muling nakita, ngunit hindi na niya nasilayan ang pagngisi man lamang ng naiwang kaibigan kahit mas maraming likes ang retrato kaysa sa sarili niyang profile picture.
Naisipan ni Jude na pumunta sa himlayan ng kaibigan na ilang kanto lamang sa kanilang bahay. Dalawang taon na rin pala ang nakalipas, wika niya sa kaniyang sarili habang matamang nakatitig sa puntod. Dalawang taon na rin ang nakararaan nang huli silang magkayakap at magkatawanan. Ngayon, sa social media na lamang nila naaalala ang isa’t isa, subalit hindi tuwing kaarawan, kung hindi tuwing sa araw ng pagpanaw.
Umupo siya sa luntiang damo na mamasa-masa pa sa nagdaang panaka-nakang ulan. Hindi na niya dinukot ang telepono sa bulsa upang kuhanan ng retrato o balikan ang mga lumang retrato nila doon.
Humihip ang habagat at napahaplos si Jude sa mga tumindig na balahibo sa kaniyang braso na hindi natatakpan ng puting kamiseta. Ngayon na lamang ulit siya nilamig sa hangin na hindi galing sa aircon.