BAGAMAN suntok sa buwan kung maiging maipagtatagpi, nagawang pagbuklurin ni Joselito de los Reyes ang dalawang magkaibang mundo ng katatawanan at masalimuot na realidad. Umaapaw sa mga mga nakatatawang linya ang kaniyang aklat na Troya na tila panandaliang lumimot sa talas ng mga napapanahong usaping panlipunan.
Sa bagong limbag na koleksiyon ng maiikling kuwento na pinamagatang Troya (Visprint Inc., 2016), inilatag ni Delos Reyes ang iba’t ibang mahahalagang paksa sa kasalukuyan gaya ng kahirapan, politika at maging ang mga katakot-takot na kaganapan sa kasaysayan na matalinong hinabi sa pamamagitan ng masining na pagkatha. Isinulat niya ang mga ito gamit ang ordinaryong wikang gamit sa araw-araw na hinayaang maging komportable ang mga mambabasa sa bawat paglipat ng pahina.
Ipinaliwanag sa “Barangay Pinagpala Namin” ang positibo at negatibong epekto ng suwerte maging ang iba’t ibang paraan ng paggamit, pagpapahalaga at paglapit dito. Ipinaalala rito ang kadalasang paglimot ng tao sa minsan niyang minahal na pinagmulan.
Sa bawat pangungusap, dinala ni De los Reyes ang mga mambabasa sa iba’t ibang tagpuan—sa lungsod at lalawigan—kasama ng mga tauhan na labis ang pagkakaiba sa isa’t isa.
Sa “Field Trip,” tila iginuhit niya sa pamamagitan ng mga salitang “amihan” at “taliptip” ang palaisdaan sa Salambao, Obando, Bulacan, na nagpalawak sa imahinasiyon ng mga mambabasa. Matatagpuan din dito ang ilang mga salitang bihirang gamitin sa lungsod gaya ng “liwalo,” “ayungin” at “taliktik.”
Mahusay niyang inilapit ang mga mambabasa sa kahirapan at konsepto ng pagsusugal sa “Bethany.” Nagwakas ito sa matapang at marahas na desisyon ng pangunahing tauhan na si Otep na nakawin ang mamahaling tropeo bago pa ito maihatid sa pinakamalaking mamimili ng kumpanyang Bethany.
Inilarawan naman sa “Monumento ni Sarhente” ang pakikipagsapalaran sa masisikip at matataong daan sa Maynila. Sa mas malapit na punto de vista, ikinuwento ni De los Reyes ang araw-araw na pinagdaraanan ni Sarhente, isang lumang bus, makatawid lamang sa Edsa at iba pang mga daanan sa siyudad. Mula pa raw sa Bataan ang tsasis at muwelye ni Sarhente sa pinira-pirasong tangke-de-giyera.
“Walang kasingdiin ang huling giyera ng matandang mandirigmang wala pang balak gumarahe.”
Muli namang binuklat ang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Filipinas sa “Ang Mga Beterano.” Tungkol ito sa pag-usisa ni Dwight sa nakaraan ng ama niyang nagsilbing sundalo noong panahon ng giyera laban sa mga Hapon.
Mahusay na hinikayat ni De los Reyes na mag-isip ang mga mambabasa sa ilang mga kuwento ngunit hindi siya natakot na tumalon mula sa malalalim na paksa ng kasaysayan papunta sa mababaw na usapin ng break-up sa “Hbd.”
Umikot ang kuwento sa hiwalayan ng magkasintahang Bless at Denver na nagwakas sa pagsisimulang muli ni Bless ng panibagong buhay nang wala ang dating kasintahan sa tabi.
Maganda naman ang paggamit ng metapora sa kuwento ng “Troya” na tumalakay sa politika. Sa pamamagitan ng paggamit ng pinakamaliit ng yunit ng pamahalaan, ang barangay, naiparating ni De los Reyes ang patuloy na lumalaking pagsubok sa gobyerno. Ginamit niyang simbolo ang troya o kabayo na kumakatawan sa mga pagsubok na kinahaharap ng bansa.
Sa pagtalakay ni Delos Reyes sa mga unti-unting lumalaking suliranin sa lipunan, iniwan niya sa mga mambabasa ang malayang pagtakda sa maaaring susunod na hakbang bilang bahagi ng mamamayan. Inungkat niya ang mga usaping tila iniiwasan ng ilan sa pamamagitang ng Troya—isang kalipunan ng mga maririkit na panimula at malilikot na pagtatapos.