Nov. 24 2016, 10:13 p.m. – LABIS na nakaaapekto ang mabilis na pagbabago at pagdaragdag ng kahulugan sa mga salita sa pagpapaunlad ng mga diksiyonaryong Filipino.
Ito ang sentro ng talakayan na dinaluhan ng ilang mga guro, leksikograpo at mga akademiko sa Unibersidad ng Pilipinas noong ika-23 ng Nobyembre.
“Kailanman ay hindi maaaring palitan ang partisipasiyon ng tao sa mga editoryal na gawain sa pagbabahagi ng mga diwa ng mga salitang polysemous (maraming kahulugan),” ani Arthur Casanova, isang Tomasinong leksikograpo o dalubhasa sa linguwistika at paggawa ng diksiyonaryo, sa nabanggit na pagtitipon.
Dagdag pa niya, maiging instrumento ang diksiyonaryo sa pagpapanatili ng kamalayan sa tamang pagbigkas, tamang pagsulat at pangkabuuang diwa ng mga salitang nadaragdagan ng kahulugan sa kalaunan.
Dahil dito, sinusubok ang mga dalubhasa sa pagpapalaganap ng mga bagong kahulugan sa mga dati nang ginagamit na mga salita.
Ayon naman kay Evelyn Lanuza, propesor ng Leyte Normal University, may mga pagkakataong nakalilito ang paiba-ibang gamit ng mga kataga batay sa lugar na kanilang pinagmulan.
Idiniin niyang ang kahalagahan ng pagdaan ng mga diksiyonaryo sa maingat na pagsusuri bago mailimbag at maipamahagi ang mga ito.
Ginanap ang pagtitipon sa pamumuno ng Komisyon sa Wikang Filipino. Jolau V. Ocampo at Winona S. Sadia