TANAW ni Cesar hanggang sa kabilang dulo ng kantina ang mapuputi at pantay na ngipin ni Beth sa nakabibighaning pagngiti nito.

Pinagmasdan din niya ang mahinhin at kahali-halinang pagtawa nito na mistulang sa patalastas sa telebisyon lamang makikita. Kabisado na yata niya pati ang hulma mukha nito; ilong na tama lamang ang pagkatangos, mapupungay na mga matang naniningkit sa tuwing humahalakhak, nangangamatis na mga pisngi at itim na itim na buhok na hanggang leeg ang haba.

Pilit na ihinahaba ni Cesar ang kaniyang leeg at ibinabaling ang katawan pa-kanan at pa-kaliwa upang lumagpas ang tingin sa nakaharang na mga estudyante na kumakain sa sampung mesa na pumapagitan sa kanilang dalawa.

Ilang sandali pa, tumayo na si Beth at ang kaibigan nitong si Alexander at naglakad pabalik sa kanilang silid-aralan.

Nanatiling nakaupo si Cesar—hinihintay na madaanan din siya nito at masulyapan nang kaunti. Hinugot niya ang aklat niya sa Pisika, binuklat sa gitna nitong pahina at yumuko habang iniaangat ang mga mata upang masilip ang dilag sa gitna ng ibang mag-aaral.

Unti-unting lumalakas ang tunog ng mga takong at matitinis na halakhak nina Beth habang papalapit kina Cesar.

“Uy! Masarap ‘yong binigay mong Hershey’s na cookies and cream kahapon,” sabi ni Beth na agad nagpasalamat.

“Ah… eh… salamat at nagustuhan mo rin,” sagot ni Cesar habang hinahawi pataas ang kaniyang buhok.

Napansin ni Cesar ang biglaang pagtahimik ni Alexander na nakahawak sa braso ni Beth. May kaunting concealer ang pisngi, hinahawi niya ang tabas nitong buhok na tila nagsasampay ng mahahabang hibla sa magkabilang tainga.

Habang nasa klase, sumulyap si Cesar sa bintana upang abangan ang pagdaan ni Beth kung sakaling magtungo siya sa palikuran. Nag-iisip siya ng paraan kung paano mailalapag sa mesa ni Beth ang huli niyang regalo mamayang tanghalian nang hindi nito makikita.

Pagbalik ng mga mata ni Cesar sa puting pisara, limang slides ng mga tala tungkol sa Christian Living ang nakaligtaan niya sa powerpoint presentation. Kokopya sana siya sa kaniyang katabi subalit matagal at mahimbing na pala ang pagkakatulog nito.

Inilapag niya ang kaniyang panulat sa saradong kuwaderno at sumandal sa upuan.

Sa loob-loob ni Cesar, kailangan na niyang ipagtapat ang matagal na niyang nararamdaman para kay Beth, ang kapitbahay at kababata niyang nakalalaro lamang niya dati ng patintero, tagu-taguan at tumbang preso. Sa paglipas ng panahon at sabay nilang pagtanda, batid niyang nagkahiyaan na silang dalawa. Tila mabigat na ang kanilang katawan para makipaghabulan.

Inaasahan niyang nagustuhan naman ni Beth ang araw-araw na pagbibigay niya ng mga regalo noong nakaraang labing-isang araw. Malaki-laki na rin ang naikaltas niya sa kaniyang araw-araw na ipon para sa mga bulaklak, pabango, liham at mga imported na tsokolate.

Noong isang araw lamang, sa pagdaan niya sa pasilyo ng kanilang gusali, napansin niya ang pagbubulungan ng mga mag-aaral habang pasimpleng tumitingin sa kaniya. Halata rin ang biglang pagtahimik ng mga kamag-aral ni Beth nang pumasok siya sa silid. Tuloy pa rin siya sa paglalakad nang mga oras na iyon, mailapag lamang ang mga regalo.

Nagsitayuan na ang mga kamag-aral ni Cesar sa kanilang upuan. Nakatulala pa rin siya sa kuwadernong hindi na niya ginalaw.

Sinilip ni Cesar ang silid-aralan na pinapasukan ni Beth—tahimik at wala pang nakababalik na mga mag-aaral. Bitbit niya ang isang dosenang rosas at pumunta sa tapat ng mesang kaamoy ng pabango ni Beth na nalalanghap niya sa tuwing nagkakasalubong sila.

Pagkalapag ni Cesar ng bungkos ng mga rosas, narinig niyang sumara ang pinto. Hindi siya lumingon sapagkat pilit niyang kinakabisado ang kimikimkim na kumpisal sa dalaga.

Lalong lumakas ang amoy ng pabango sa bawat mabibigat na yabag na narinig niya.

“Gusto mo ba talaga ako?” ani ng isang malambot at malumanay na boses ng isang lalaki.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.