NAGING mainit na paksa na noon pa man sa pagitan ng mga akademiko ang bisa ng paggamit ng Filipino bilang pangunahing wika sa mga pamantasan.
Sa isyu ng Varsitarian noong 1962, inilahad sa pangulong tudling nito ang mungkahing palaganapin ang Filipino bilang pang-araw-araw na wika sa loob ng Unibersidad. Kasabay ito ng nakahihigit na paggamit ng Ingles lalo na sa mga pang-akademikong usapin na bunsod ng pananakop ng mga Amerikano sa Filipinas.
Ayon sa artikulo, mainam na pook sana ang Unibersidad upang hulmahin ang pang-unawa ng mga kabataan, partikular na ng mga Tomasino, hinggil sa lupang kinalakhan nila. Pinabulaanan din nito ang paniniwalang maaaring luma na ang ating katutubong wika kaya hindi na dapat ito gamitin.
“Ang wika ay hindi maaaring ihalintulad sa isang bangkong kinalawang na sa matagal na pagkakaupo, kaya’t ibig nang palitan ng mahusay-husay. Ito ay walang hugis, walang kulay, walang anyo,” pagdidiin nito.
Mungkahi pa ng editoryal, ang Unibersidad dapat ang nagsisilbing ikalawang tahanan ng mga mag-aaral upang paghandaan ang kanilang mga kinabukasan bilang bahagi ng lipunan. Kung pananatilihin ang paggamit ng Filipino at sisimulan ito sa mga pamantasan, tiyak na mananatiling buhay ang mga katutubong wika sa mga susunod na henerasiyon.
Tomasino siya
Bagaman malayo na ang narating bilang mediko, malapit pa rin si Juan Sanchez sa mga mahihirap na komunidad kung saan maraming pasyente ang kapos sa kakayahang pinansiyal upang magpagamot.
Taong 1980 nang magtapos siya ng medisina sa Unibersidad. Sa kalaunan, ipinagpatuloy ni Sanchez ang pagsasanay ng General Surgery sa Veteran’s Memorial Medical Center (1982-1986) at ng Plastic Reconstructive Surgery naman sa Makati Medical Center (1988-1991). Tumungo siya noong 1992 sa Virginia sa Estados Unidos upang pormal na magsanay ng Aesthetic, Craniofacial and Microvascular Surgery sa Eastern Virginia Medical School.
Noong 1987, nanguna siya sa Philippine Board of General Surgery gayundin sa Philippine Board of Plastic Surgery naman noong 1991.
Tumatayo siya bilang lead surgeon sa buwanang pagbisita ng Rotary Club of San Francisco del Monte’s DOCS Mobile Surgical Unit sa ilang bahagi ng lungsod Quezon, Payatas, siyudad ng Marikina, Bulacan at iba pa. Nagsimula ang nabanggit na Monthly Surgical Missions noong Setyembre 2007. Kabilang din siya sa ilan pang mga misyon tulad ng Gawad Kalusugan, Operation Smile, at Filipino-American Club of North Texas na naglalayong panatilihing mabuti ang kalagayan ng bawat Filipino sa loob at labas ng bansa.
Upang ibahagi ang kaniyang kaalaman sa larangan ng medisina, sumulat din si Sanchez ng ilang mga aklat tulad ng “Oriental Rhinoplasty,” “Local and Regional Anesthetic Blocks Made Simple (2002)” at “Doctors’ Practices, Strategies and Guides to Success (2003)”.
Noong 2009, nominado naman siya sa ilang malalaking parangal tulad ng Ten Outstanding Filipino Physicians at Ten Outstanding Filipinos. Sa loob ng dalawang taon (2009-2010), siya ang hinirang na Most Outstanding Rotarian of the Rotary Club of San Francisco del Monte.
Sa kasalukuyan, patuloy na ginagamit ni Sanchez ang kalinangan sa medisina upang mabigyan ng paglilingkod at malasakit ang mga pinakanangangailangan nito. Winona Sadia
Tomasalitaan:
Malimbit (pang-uri) – isang gawain na nangangailangan ng malaking espasyo.
Hal.: Malimbit man ang pagpipinta, masarap naman ito sa mga mata.
Mga Sanggunian:
TOTAL Awards 2016
The Varsitarian: Tomo XXXIV Blg. 1, Hunyo 1962; p.25