Mga Patnubay ni Inay

0
2489

“MAGHABULAN kayo ngunit huwag kayong tatakbo!” sabi sa akin ng aking nanay noong gusto kong makipaglaro sa aking mga kaibigan sa tapat ng aming bahay. Malumanay ang kaniyang mukha subalit may diin ang kaniyang tono na bahagyang nagpahilakbot sa aking inosenteng kamalayan.

Marahil, narinig na ng maraming bata ang linyang ito noong mga panahong nagkikita-kita sila ng kanilang mga kalaro sa gitna ng kalsada upang maglaro ng taya-tayaan, langit-lupa, ice-ice water at kung ano-ano pa na may kasamang takbuhan. Hindi pa sila naguguluhan sa mensahe nito noon sapagkat sabik silang lumabas ng bahay at tumakbo. Bagaman nakalilito ang paalala, batid nila ang mensaheng “mag-ingat.”

Gayunpaman, hindi maitatatwang mas madali namang unawain ang pahayag na ito kaysa sa sinasabi ng kanilang mga crush na “gusto kita.”

Maraming kabataan ang abala sa pag-iisip tungkol sa kanilang mga crush o hinahangaan sa pinaka-inosenteng paraan, iniibig nang palihim at marami pang iba. Epekto ito ng mga namumuo ngunit hindi maipaliwanag na damdamin sa pagitan ng dalawang bagong “nag-iibigan.” Kinkiilig sila sa mga yakap na kanilang natatanggap mula sa kanilang “sinisinta,” subalit alam nilang panandalian lamang ang mga ito sapagkat niyayapos din naman ng niya ang iba niyang kaibigan. Sa katagalan, kapag nalaman nilang hindi magkapareho ang tingin nila sa isa’t isa na kapatid o kaibigan lamang pala nag turing sa kanila, magiging sanhi ito ng pagkalumbay. Maliban sa mga pasimpleng hinahangaan, mayroon pang ibang tao na masasabi nating mas nakalilito pa pagdating sa pagpaparamdam ng kanilang pagmamahal―ang ating mga magulang.

Balik sa pakikipaglaro noong kabataan…

Kung nadapa ang mga bata at nagkasugat dahil sa hindi pag-iingat sa kanilang pakikipaglaro, pagagalitan sila ng kanilang mga magulang. Malamang, sigawan pa sila nang mayroong kaakibat na palo sa puwet. Maaari nating masabi na bugso ng damdamin ang kanilang pagbubuhat ng kamay o pagtataas ng boses dahil sadyang nakadidismaya para sa isang ama o ina ang mga anak na hindi sumusunod sa mga ibinibigay nilang payo o babala.

Nagbabakasakali ang mga magulang na susundin na sila ng kanilang mga anak sa susunod, hindi dahil ayaw nilang masugatan muli ang kanilang mga anak, kundi dahil ayaw nilang magalit muli sa mga ito.  Sabihin man ng mga magulang na, “Sige tumakbo ka pa!” alam na nilang hindi na ito gagawin ng kanilang mga anak dahil nasugatan at nasaktan na sila.

Inaasahan na ng mga magulang na magkakaroon ng oras na magkakamali o papalpak ang kanilang mga anak. Kasabay nito ang pag-asang magtatanda na ang mga ito.  Pansinin kapag umaakyat ang mga bata sa hagdan. Uunahin ng mga magulang na magbabala sa posibilidad ng pagkahulog. Magpapayo silang mag-ingat ang kanilang mga anak.

Gayunpaman, hindi tama ang ating mga magulang sa lahat ng pagkakataon. Nagkakamali rin sila subalit pag-iintindi nating mga anak ang kaakibat nito. Magkaiba na tayo ng kinagisnang panahon, ideolohiya, pamumuhay, pag-uugali ng mga tao sa ating paligid at marami pang iba.

Pansinin ang mga nabanggit na halimbawa. Puro mga pangyayari noong bata pa tayo, kasama ng ating mga magulang dahil hanggang ngayon, ginagabayan pa rin nila tayo. Palagi nila tayong pinag-iingat, pinaghihinay-hinay sa pagtakbo sa ating buhay habang inaabangan tayong magkamali dahil nariyan sila upang gumabay.

Sa paggunita sa buwan ng pag-ibig, maliban sa ating mga kani-kaniyang sinisinta, huwag nating isiping nagkukulang ang ating mga magulang sa pagsasabi ng, “Mahal kita.” Ang dalawang salitang ito ang implikasiyon ng walang katapusan at paulit-ulit na pangaral nila mula noong nakikipag-tayaan pa tayo sa ating mga kalaro hanggang ngayon na nakikipaghabulan na tayo sa laro ng tunay na buhay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.