PATULOY na nagkakaiba-iba ang mga pananaw, opinyon at saloobin hinggil sa usapin ng pag-ibig. Marahil, simula pa noong una itong maramdaman at iparamdam, hindi humihinto ang pagsibol ng mga akda, tula, katha at iba pang sulatin tungkol dito. Bagaman marami nang makabagong lathalain ngayon tungkol sa pag-ibig, hindi nito matatabunan ang mga klasikong tula ng mga makatang minsan ding umibig.
Para kay Joselito Delos Reyes, manunulat at dalubguro sa Unibersidad, natatangi ang tulang “Masarap Isiping [Sa Kaibigang Madre]” ni Padre Albert Alejo, SJ sapagkat ipinahahayag nito ang hangganan ng isang pag-iibigan.
Dahil mga ordinaryong taong umiibig din ang mga nagsisilbi sa Simbahan, umiikot ang tula sa paghihinuha ng dalawang magkaibigang pari at madre ukol sa kanilang bokasiyon bilang mga taong-simbahan.
“Subalit ang lalong kahanga-hanga lang talaga, mahal ko,
Ay kung paanong—sa paglayo kong ito ng misyon—Iyon bang pinag-usapan na natin noon?—Tikom-bibig tayong tumatango habang kumakaway, sapagkat
‘Di ba, noon pa ma’y malinaw naman sa atin ang lahat?”
Ipinahahayag ni Alejo sa kaniyang tula ang kahalagahan ng pagiging tapat ng tao sa kaniyang piniling ibigin at pagsilbihan, sa kapuwa man niya o sa kaniyang debosiyon, ani Delos Reyes.
“Kinikilala niya na siya (pari) ay nakaabito pa rin [at] nasa simbahan pa rin. Sa kabila ng lahat, tao pa rin siya. Tao muna siya bago pari,” dagdag pa niya.
Piniling talakayin ni Alejo ang pag-ibig sa pamamagitan ng mga taong-simbahan upang ipakitang may kakayahan din silang umibig at mabigo. Bukod pa rito, nararanasan din nila ang mga pagbabawal sa pag-ibig, naisulat man o hindi.
“Masarap paglaruan ‘yung what if. Pero pagkatapos ng lahat ng laro ng what if, bumabalik tayo sa pagiging ‘tayo.’ At iyon ang nagpapaganda sa buhay natin,” aniya.
Itinuturing naman ni Chuckberry Pascual, dalubguro ng panitikan sa Unibersidad, ang “Kung Ibig Mo Akong Makilala” ni Ruth Elynia S. Mabanglo bilang mahusay na paglalarawan ng isang tunay at hindi pangkaraniwang pag-ibig.
“Tungkol ito sa higit pa sa pisikal na atraksiyon at sa pagkakaroon ng totoong koneksiyon sa isa’t isa,” ani Pascual.
Dagdag pa niya, malalim na pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang tao ang ibig maranasan ng persona sa tula—taliwas sa ibang pag-iibigan na nasusukat lamang sa panlabas na kaanyuan.
“Kung ibig mo akong kilalanin,
sisirin mo ako hanggang buto,
liparin mo ako hanggang utak,
umilanlang ka hanggang kaluluwa–
hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.”
Pinili naman ni Ralph Galan, makata at dalubguro sa Unibersidad, ang “Between-Living” ni Edith L. Tiempo at “Obsession” ni Ma. Fatima V. Lim bilang kaniyang mga paboritong tulang pag-ibig. Inilalarawan sa mga ito ang kalagayan ng isang taong umiibig habang hinihintay niya ang pagbabalik ng kaniyang minamahal.
Sa “Between-Living,” inihahain ni Tiempo ang realidad ng pag-ibig sa isang taong mahilig sa paglalakbay.
Tatlo lang ang maaaring kalabasan kung magmamahal ka ng ganitong uri ng tao: na malapit na siyang dumating, na malayo pa siya, at na hindi na siya darating, ani Galan.
Ayon sa huling saknong ng tula:
“And thus we care,
And thus we live
Not for the end
(Since that is not unknown),
It is the wait, creative
Life and love in full;
Unfinished, uncertain, unknown,
Yet mocking the known end
That comes sooner,
Later, or not at all.”
Ngunit ayon sa mensahe ng tula, hindi naman iyon (pagdating) ang mahalaga. Mas mahalaga ang pagitan ng pag-alis at pagbalik kaniyang iniibig—na dapat gamitin ang oras na ito ng paghihintay sa pagiging mas malikhain, dagdag pa ni Galan. Magandang pagkakataon daw ang paghihintay upang magsanay ang isang umiibig sa kaniyang mga hilig na gawain, aniya.
Samantala, ipinapakita naman sa “Obsession” ang kawalan ng kasiguraduhan sa tuwing umiibig ang isang tao.
“The persona compares herself to a thin-stemmed flower of tenacious roots. When one is in love, one is entering to a territory that is unknown, probably fraught with dangers and darkness. But then, her love, [since] she’s obsessed with this love, is something that spills over the edge of the cliff,” paliwanag Galan.
Sa unang saknong ng tula, inilalarawan ang kapangyarihan ng pag-ibig na may kakayahang pasukin ang naturang teritoryo.
“He has taken hold.
And I am a thin-stemmed flower
Of tenacious roots
Pushing through darkness
And boulders.
My love, growing profusely,
Spills over
The edge
Of a cliff.”
Ginamit din bilang metapora sa tula ang panahon, kung saan inilarawan ng persona ang kaniyang iniibig bilang pinagmumulan ng init sa gitna ng malamig na panahon.
“Kapag umiibig ang isang tao, nadarama niya ang parehong init at lamig,” ani Galan. Jolau Ocampo at Winona Sadia