IMINUNGKAHI ng isang Tomasinong propesor ang pagkakaroon ng asignaturang pagsasalin sa senior high school upang mas lumago ang kamalayan ng mga kabataan sa kahalagahan ng larangang ito.
“Sa pamamagitan ng pagsasalin tayo nakatatamo ng kaalaman at nagkakaroon ng koneksiyon sa iba,” ani Michael Coroza, tagapangulo ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), sa isinagawang pagpupulong ng mga dalubwika noong ika-1 ng Marso.
Dagdag ni Coroza, dapat rin isama ang pagsasalin sa kurikulum ng senior high school hanggang sa apat na taon ng kolehiyo.
Aniya, “uunlad ang bansa kung naibabahagi ang natutuhan sa pilosopiya, kasaysayan, at iba pa sa nakararami.”
Noong 1970, tinanggal ng Unibersidad ang kursong pagsasalin bunsod ng kakulangan ng mga mag-aaral. Gayunpaman, umusbong ang balita noong isang taon na nais itong ibalik sa Fakultad ng Sining at Panitik.
Sa kasalukuyan, tanging ang Unibersidad ng Pilipinas ang mayroong pormal na kurso sa pagsasalin.