Sinaunang panitikan, dapat ipaalala sa mga kabataang manunulat – Almario

0
4529

BINIGYANG-DIIN ng pinuno ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) ang pagbabalik-tanaw sa mga lumang akda at manunulat upang makatulong sa pagpapayabong ng makabagong panitikang Filipino.

“[Ang padiriwang ng Buwan ng Panitikan] ngayong taon ay para sa kabataan [at] sa pagtuklas ng bagong anyo ng panitikan,” ani Virgilio Almario, tagapangulo ng NCCA at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa isang pagtitipon sa tanggapan ng ahensiya sa Maynila noong ika-7 ng Marso.

Mungkahi niya, maaaring magsilbing pamantayan sa pagbuo ng makabagong anyo ng panitikang Filipino ang mga sinaunang akda at mga makata at kuwentista na sumulat ng mga ito.

Ginawang halimbawa ni Almario sina Francisco Balagtas at Emilio Jacinto na kapuwa ginamit ang panitikan upang magpahayag ng kaisipang politikal noong kanilang panahon.

Makabagong paraan

Iminungkahi naman ni Aiza Seguerra, tagapangulo ng Pambansang Komisyon sa Kabataan, ang paggamit ng e-books bilang makabagong plataporma ng pagbasa at pamamahagi ng panitikang Filipino.

“Kung ipagpipilitan natin ang luma[ng plataporma], maraming hindi makaiintinding mga kabataan. Maraming hindi makaaabot,” ani Seguerra sa kaniyang mensahe.

Paglilinaw niya, hindi ito nangangahulugan ng paglimot sa pisikal na bersiyon ng mga aklat sapagkat marami pa ring nagsasabing mas komportable ang mga ito sa pagbabasa. Mas mahalaga, aniya, ang pagpapalawak ng kamalayan hinggil sa lokal na panitikan sa anumang paraang tinatangkilik ang mga ito.

“Bakit hindi natin gamitin ang parehong plataporma para mas marami tayong maabot?” dagdag ni Seguerra.

Pinamunuan ng NCCA, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang mga institusiyon ang pagtitipon bilang paghahanda sa Buwan ng Panitikan ng Filipinas sa Abril na may temang “Banyuhay (bagong anyo ng buhay).”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.