ISANG Tomasinong instruktor ang pararangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa kaniyang tula hinggil sa “pagrerebisa” ng kasaysayan ng batas militar.

Bibigyang parangal ang “Rebisyon” ni Paul Castillo, facilitator ng National Service Training Program sa UST, sa unang araw ng Abril sa Orion Elementary School sa Bataan matapos magwagi ng ikatlong gantimpala sa Talaang Ginto: Makata ng Taon.

Tungkol ang tula sa muling pagbuhay sa usapin ng batas militar at ang aniya’y pagbabago ng impormasiyon ukol dito, tulad ng “kabutihan” umano ng diktatura.

“Isinulat ko ang akda dahil sa kabi-kabilang paglapastangan sa buhay kasabay ng muling paglapastangan sa kasaysayan,” ani Castillo.

Iniaalay ni Castillo ang tula sa “mga mag-aaral na tagatanggap ng bagong impormasiyon na napakadaling mabihag ng sinasabing pagbabago sa kasaysayan,” aniya.

Hihirangin namang “Makata ng Taon” si Aldrin Pentero para sa kaniyang koleksiyong pinamagatang “Moonlight at iba pang tula” habang ang ikalawang gantimpala ay igagawad sa “Balak na Maikling Dokumentaryo Tungkol sa Isang Binatilyo sa Badjao Village,” ni Michael Jude Tumamac.

Isang taunang patimpalak sa pagsusulat ng tula ang Talaang Ginto: Makata ng Taon ng KWF, na nagbibigay-pugay sa mga makata ng wikang Filipino.

Kabilang sina Bienvenido Lumbera, Cirilo Bautista at Virgilio Almario sa ilang mga batikang makata na ginawaran ng parangal na ito noon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.