Almario: Alay sa kabataan ang Buwan ng Panitikan ng Filipinas

0
2640

ORION, BATAAN — ITINATANGI ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario ang mga kabataang manunulat bilang sentro ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas ngayong Abril.

Wika ni Almario, nakatuon ang temang “Banyuhay” o “bagong anyo ng buhay” sa makabagong anyo ng panitikang Filipino at sa paghihikayat sa mga kabataan na maging bahagi nito.

“Sa pamamagitan ng mga literature tools ay makaka-discover [tayo] ng mga bagong cultural activities [at ng mga] bago o lumang writers na ‘di nakikilala,” ani Almario sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, kinakailangang panatilihin ang pagtangkilik sa mga tradisiyonal na akda kasabay ng pagsulong ng mga makabagong sulatin.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng “continuity in history” sa konsepto ng panitikang Filipino.

Kasaysayan para sa mga kabataang manunulat

Nagsilbi namang inspirasiyon kay Paul Castillo, instruktor ng National Service and Training Program sa Unibersidad, ang mga kabataan sa kaniyang pagsulat ng nagwaging tulang pinamagatang “Rebisyon.”

Nauna nang naiulat na ginawaran ang tula ng ikatlong gantimpala sa Talaang Ginto 2017.

READ: Tomasinong instruktor, wagi sa Talaang Ginto ng KWF

Tampok sa panimula ng kaniyang tula ang yumaong historyador at Dominiko na si Padre Fidel Villarroel, O.P.

“Ginamit kong panimula at persona si Fr. Villarroel bilang representasiyon ng ibang tagapagtala ng kasaysayan natin para mapalitaw ang higit na pangangailangang manindigan ang mga mamamayan sa nakasulat na at tinanggap na nating kasaysayan,” wika ni Castillo sa isang panayam.

Dagdag pa ni Castillo, may kakayahan ang mga historyador tulad ni Villarroel na pag-ugnayin ang dalawang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan bagaman sa magkaibang panahon ang mga ito nangyari.

Patungkol ang tula sa Batas Militar at sa kaugnayan nito sa mga pangyayari sa kasalukuyang administrasiyon.

“Makabuluhan [ang mga usapin na] ito at dapat itong malaman ng mga kabataan na sa tingin ko ay mga tagatanggap ng binagong kasaysayan,” paliwanag ni Castillo.

Giit pa niya, kailangang magbasa ang mga kabataan ng kapuwa luma at bagong mga akda tungkol sa kasaysayan ng Filipinas upang maunawaan kung paanong nababago o narerebisa ang mga detalye nito sa paglipas ng panahon.

Taunang iginagawad ng KWF ang Talaang Ginto: Makata ng Taon para sa mga natatanging kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bahagi ng pagbubukas ng Buwan ng Panitikan ng Filipinas ang paggawad na ginanap sa Orion Elementary School sa Bataan mula ika-31 ng Marso hanggang ika-2 ng Abril.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.