Pagsasama ng midya at panitikan, pinaaangat ng modernong diskurso

0
3440
Writer Jun Cruz Reyes. Photo by Deejae S. Dumlao

KINAKAILANGAN ang pagkakaisa ng panitikan at midya sa paglalahad ng iba’t ibang talakayan sa mamamayan, partikular na sa mga kabataan.

Ito ang pahayag ni Kristoffer Brugada, broadcast producer at dalubguro sa Pamantasang De La Salle, sa lekturang “Ang Panulat at Pagbasa sa Panahon nina Maute, Aguirre, Mocha, Pacquiao, Sotto, etc.” sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas noong ika-7 ng Hulyo.

“Hindi dapat nananatili sa isang medium ang isang anyo ng sining. Ito na ang panahon ng pagsasama ng visual at print,” ani Brugada.

“Napuputakte ang mga mamamayan sa panonood ng teleserye at hindi binibigyang-pansin ang mga maaayos na palabas,” dagdag pa niya.

Hinimok rin ni Brugada ang mga manunulat na gamitin ang social media sa pagsusulat ng panitikan.

“Ang panitikan, kailangan nasa front line para sama-sama nating mabuo ang mga idolohiya na gustong ibahagi sa publiko,” aniya.

Iginiit naman ng kuwentistang si Jun Cruz Reyes na iwasang ipagawa sa mga kabataan ang tradisiyonal na pagbanghay at pagpulot lamang sa mabuting aral ng panitikan.

“Tapos na ang panahon ng formalism…hindi na puwedeng ituro ang literature ngayon na ‘yong summary tapos ipadadrawing [at] ipaaarte,” wika niya.

Paliwanag niya na dapat hanapin ang tunay na diskurso ng panitikan upang umangat ang pamantayan sa pagtuturo nito.

“Ang dami-dami nang nabago sa panitikan. Ang dami-dami nang nabago sa standard ng mundo…ano na ‘yong taste ng reader? Paano na ito dapat ituro?” sabi ni Reyes. “Bilang teacher, lahat tayo, kumbaga sa technology, kailangan din nating mag-upgrade.”

Inirekomenda niyang basahin ang pinakamagagandang bagong akdang pampanitikan ng Filipinas. Kabilang rito ang mga akda ng mga Tomasinong manunulat na sina Chuckberry Pascual, Joselito delos Reyes at Jack Wigley.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.