Sa ikatlong pagkakataon, gagawaran si Eros Atalia, Tomasinong manunulat at dalubguro ng Filipino sa Unibersidad ng Santo Tomas, sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature o ang taunang pampanitikang timpalak sa Filipinas.
Hihiranging pinakamahusay sa kategoryang nobela ang kaniyang akdang “Ang Ikatlong Anti-Kristo” sa ika-67 taon ng nabanggit na paggawad.
“[N]apagdiskitahan ko lang pagsama-samahin ang mga nabasa, napanood, naitsismis at nausisang mga material mula pa noong bata ako,” ani Atalia sa panimula ng kaniyang nobela.
Patungkol ang nagwaging akda kay Padre Marcus, isang hinahangaang pari, at sa kaniyang natatanging kakayahan sa panghuhula at pagpapagaling ng mga maysakit.
“Hindi madaling buuin at bunuin ang nobelang ito. Lagi at lagi akong may duda kung may ikinukuwento pa ba akong bago o kung maayos (pa) ba akong magkuwento,” wika ni Atalia.
Dagdag pa niya: “Andaming pagdududa, pero nakatulong siguro ang pagdududa para matapos ang nobelang ito. Baka nga isa sa mga trabaho ng nagsusulat ang patuloy na magduda.”
Unang kinilala si Atalia sa Palanca Awards noong 2006 nang magwagi ng unang gantimpala ang kaniyang maikling kuwentong “Si Intoy Syokoy at ang Kalye Marino.”
Hinirang namang pinakamahusay sa kategoryang nobela ang kaniyang akdang “Tatlong Gabi, Tatlong Araw” noong 2013.
Ilan pa sa mga kilalang akda ni Atalia ang “Peksman (Mamatay Ka Man) Nagsisinungaling Ako” na inilimbag noong 2007, at “Ligo na U, Lapit na me” na inilathala noong 2009 at isinapelikula noong 2011.
Bukod pa sa ilang mga pagkilala sa larangan ng panitikan na ipinagkaloob kay Atalia, isa rin siya sa mga manunulat na napabilang sa prestihiyosong International Writing Program ng University of Iowa sa Estados Unidos.
Nakatakda ang pormal na paggawad sa ika-1 ng Setyembre.