Isang malaking pagdiriwang ang Pista ng Pelikulang Filipino na pinasinayaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika para sa taong ito. Itinampok ang 12 pelikulang likhang Filipino mula sa iba’t ibang genre sa pakikipag-ugnayan ng Film Development Council of the Philippines sa Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang mga ahensya.
Buhat ng pagiging audience-oriented nito, itinakda ng kapistahang makaugnay sa mas maraming Filipino at umaasang maipakilala ang mga ito sa pandaigdigang entablado. Kaugnay nito, sinikap ng Varsitarian na suriin ang mga tampok na pelikula.
“Pauwi Na”
Ipinakita ni Paolo Villaluna sa kaniyang pelikulang “Pauwi Na” kung paanong nananatiling matibay ang mga mahihirap na pamilyang Filipino sa kabila ng mga pagsubok sa kanilang mga buhay.
Umiikot ang kuwento sa biyahe ng isang pamilya mula Maynila patungong probinsya. Sa gitna ng kanilang paglalakbay gamit lamang ang pedicab, ilang mga suliranin ang kanilang kahaharapin tulad ng kawalan ng makakain at ang pakikipagsapalaran sa malalaking sasakyan sa lansangan. Sa kabila nito, nananatiling malakas ang kanilang loob.
Mainam ang pagkakasulat ng mga linya sapagkat nagtataglay ang mga ito ng katatawanan—isang simbolo ng likas na pagkamasiyahin ng mga Filipino bagaman may mga kinahaharap na suliranin.
Naging malikhain din si Villaluna sa paglangkap ng karakter ni Hesukristo (Jess Mendoza) sapagkat ito ang nagsisilbing instrumento upang maipahatid ang mabuting aral ng pelikula.
“Birdshot”
Matapang na inilalahad ni Mikhail Red sa “Birdshot” ang ilan sa mga pangkasalukuyang suliraning panlipunan kung saan nananatiling biktima ang mga nasa pinakailalim nitong antas.
Patungkol ang pelikula sa mag-amang sina Maya (Mary Joy Apostol) at Diego (Manuel Acquino) na kapuwa nailagay sa kapahamakan sa gitna ng kanilang tahimik na pamumuhay bilangcaretakers sa kabundukan.
Mapapatay ni Maya ang isa sa mga natitirang haribon o Philippine eagle ngunit taliwas sa pag-aakala ng mga manonood, hindi lamang dito iikot ang kuwento at tatalakayin din nito ang pang-aabuso sa mga magsasaka na, sa pelikulang ito, pinangungunahan pa ng mga kapulisan.
Napapanahon ang konseptong ito sapagkat pinag-iisipan dito ang integridad ng mga makapangyarihang opisyal tulad ng mga pulis—kung maasahan ba sila sa paniniguro ng kaligtasan ng bayan o sila pa ang sisira sa tiwala ng mga mamamayan.
“Star na si Van Damme Stallone”
Sa pamamagitan ng mga nakaaantig na linya, mainam na isinasalaysay sa “Star na si Van Damme Stallone” (Randolph Longjas) ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pantay na pakikitungo sa mga batang may karamdaman.
Patungkol ang pelikula kay Van Damme Stallone (Jadford Dilanco at Paolo Pingol) at sa kaniyang pagpupursiging maging artista sa kabila ng kaniyang down syndrome.
Sa huli, makalipas ang pagtanggi sa kaniya ng ilang agencies, makakamit ni “Van Van” ang pangarap niya sa tulong ng kaniyang pamilya. Magugunitang naging bida si Pingol sa isang patalastas ng isang sikat na fast food chain sa bansa noong 2013.
Kapuri-puri ang teknikal na aspekto ng pelikula sapagkat bukod sa magandang sinematograpiya, mainam din ang pagkakasulat ng mga linya nito.
“Paglipay”
Kahanga-hangang naipakikilala sa “Paglipay” (Zig Dulay) ang tradisiyonal na pamumuhay ng mga Aeta sa mga kabundukan ng Zambales.
Umiikot ang kuwento kay Atan Dimaya (Garry Cabalic), isang binatang naghahanapbuhay upang makapag-ipon ng dowry o “bandi” para mapakasalan ang kaniyang kababatang si Ani (Joan de la Cruz).
Sa gitna nito, nakilala niya si Rain (Anna Luna), mag-aaral mula sa Maynila na nagsasagawa ng panayam para sa kaniyang thesis tungkol sa “pilaok” o ang pagpapakasal ng mga “kulot (Aeta)” sa mga “unat” na nakatira sa paanan ng bundok.
Mainam ang pagtakda ng mga tunay na Aeta bilang mga bida sa pelikula sapagkat malaki ang naitulong nito sa pagpapakilala ng kanilang mga kultura at tradisiyon sa mga manonood.
Bagaman kakaiba ang paksa, patuloy itong tumatanggap ng mga positibong pahayag sapagkat kahanga-hanga ang sinematograpiya at kabuuang daloy nito.
Mapapanood pa ang mga kalahok sa PPP sa ilang mga piling sinehan hanggang ika-31 ng Agosto.