KINAKAILANGANG maging kritikal ng mga peryodista sa pag-uulat ukol sa kasalukuyang administrasiyon.
Ito ang paalala ni Vim Nadera, Tomasinong manunulat, sa kaniyang panayam na pinamagatang “Diyaryo Dangal” sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong ika-8 ng Setyembre.
Mungkahi niya, mainam na paraan ang paggamit ng social networking sites gaya ng Facebook upang maipamahagi ng mga peryodista ang kanilang mga pahayag at nalalaman hinggil sa mga pambansang isyu.
“Bagong platform ang social media na maganda, para sa akin. Double-edged ‘yon, positive at negative,” wika ni Nadera sa isang panayam sa Varsitarian.
Ipinaliwanag ni Nadera na sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanilang nalalaman sa mga usaping panlipunan, may kakayahan ang mga peryodista na makaapekto sa pangmalawakang pananaw ng mga Filipino.
“Ang peryodista ang nagsisilbing plataporma para sa diyalogo at pakikibahagi ukol sa mga isyung pandaigdig at pambansa,” ani Nadera.
Dagdag pa niya: “Nagtatagumpay pa rin ang mga peryodista na himukin ang mga politiko na imbestigahan pa ng Kongreso ang iba’t ibang ahensya ng gobiyerno at mga isyu.”
Bukod sa pagiging kritikal, kinakailangan ding pangatawanan ng bawat peryodista sa bansa ang pagiging tapat at maingat sa paglalahad ng mga detalye sa kanilang pag-uulat.
Bahagi ng serye ng lekturang propesoryal ang pagtitipon na pinamunuan ng PUP Center for Social History.