Isinusulong ngayon ang pagkakaroon ng Filipino Sign Language (FSL) upang “payabungin ang Wikang Pambansa,” ani Carolyn Dagani, tagapangulo ng Philippine Federation of the Deaf (PFD).
Giit ni Dagani, maging ang pagpilantik ng mga daliri at pagkumpas ng mga kamay ay maaaring maghayag ng ating pagka-Pilipino, lalo para sa ating mga kapuwang pipi at bingi.
“Filipino Sign Language is a language owned by the deaf Filipino community. It’s not similar on what Americans have. Nakaaakibat siya sa kultura ng Filipino,” aniya sa kaniyang saliksik na “An Introduction to Filipino Sign Language.”
Dagdag pa niya, malaki ang naiambag ng American Sign Language (ASL) sa kasaysayan ng sign language subalit hindi lamang ASL ang ginagamit sa Filipinas.
Taong 1979 nang madiskubre ni Wayne Shaneyfelt, isang guro sa Gallaudet College, na gumagamit ang mga binging Filipino ng kanilang sariling mga senyas. Sa akdang “Love Signs,” hinikayat niya ang mga mananaliksik na aralin ang mga senyas na ito.
Hindi naglaon, taong 1993, pinatunayan ng dalawang dalubwika na sina Rosalinda Macaraig-Ricasa at Liza Martinez na iba ang mga senyas na ginagamit ng mga Filipino kumpara sa ASL. Base ito sa pag-aaral nila ng mag-aaral sa Philippine School for the Deaf, De La Salle University-College of St. Benilde, CAP School for the Deaf, at maging sa mga binging nasa lungsod ng Cebu.
“Buhay na buhay ang FSL. Pero kung hindi ka exposed sa kultura ng mga bingi, hindi mo ito mapapansin,” wika ni Earvin Pelagio, isang mananaliksik sa wika sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Iminungkahi ni Dagani ang pagtuturo ng mother tongue sa mga bingi bago ang pagtuturo ng wikang Ingles o iba pang wika.
“Sa school, mas maganda sa deaf ang bilingual. So the first language would be in sign or symbols, not spoken or written. For example, in Cebu, they learn first the sign language and then learn Cebuano,” paglalahad ni Dagani.
Ginagamitan ang FSL ng isa o dalawang kamay, mukha at iba pang bahagi ng katawan. Nahahati ito sa iba’t ibang pangkat. Una, nakadepende ito kung ano ang kamay na ginagamit. Ikalawa, pinahahalagahan din kung papaano iginagalaw ang mga kamay. Pangatlo, binibigyang-pansin ang paraan ng paghawak o pagdidikit ng mga kamay sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Katulad ng ibang sign language, gumagamit ito ng non-manual systems tulad ng facial expressions, na hindi na kailangang gamitan ng kamay sa pagpapahayag ng damdamin.
Bukod pa rito, mayroong ilang mekanismo tulad ng hand shapes, palm orientation, movement, at location.
Naging resulta ang FSL sa pagsasama ng Filipino at regional signs sa American Sign Language at Manually Coded English of Foreigners.
Sa kabilang banda, mayroong iba’t ibang diyalekto ang FSL at magkakaiba ang mga senyas na ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas.
“May kani-kaniyang variations ng sign. Katulad ng what do hearing people have, we have dialects, we have Tagalog, Bisaya, Ilokano. Ganoon din sa’min, we have our own dialects as well but we are able to understand each other,” ani Dagani.
Inilahad ni Dagani ang paghanga ng ibang bansa dahil sa pagiging malikhain ng mga Filipino sa paggamit ng FSL.
“Mayaman ang senyas ng Filipinas at ang Filipino deaf community ay very creative. Bakit natin gagamitin lang ang American Sign Language? Nagkataon lang na limited ang signs and this is why we’re pushing for FSL; for FSL to be recognized.”
Kamakailan, inihain sa Senado ang batas ukol sa paggamit ng FSL kasunod ng mga natanggap na papuri ng mga language interpreters sa katatapos na State of the Nation Address ni Pangulong Duterte noong ika-24 ng Hulyo.
Nakasaad sa mungkahing batas ni Senator Bam Aquino na Senate Bill No. 966 o Filipino Sign Language Act, ang paggamit ng FSL sa mga paaralan, opisina at broadcast media.
“Una, pagkilala kasi ang [FSL] sa identity ng mga binging Filipino. Pangalawa, malaking ambag ito sa inclusion nila sa society in general,” ani Pelagio.
Una nang iminungkahi ni Sen. Nancy Binay ang FSL bilang “national sign language of the Philippines” sa ilalim ng Senate Bill 1455.