IGINIIT ng isang Tomasinong manunulat na hindi dapat ikahon ang sarili sa wika ng akademiya upang umusad ang panitikan sa ika-21 na siglo.
“Mahirap ikategorya kung ano ang emerging genre sa panitikan at magsagawa ng pananaliksik, pag-aaral at talakayan sa napakakupad na akademiya na isang uugod-ugod nang institusyon,” wika ni Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Department of Literature sa Unibersidad sa isang “book talk” na idinaos sa Philippine Normal University noong ika-18 ng Oktubre.
Pinabulaanan ni de los Reyes ang “romantisasyon ng teksto” na mas binibigyang pansin ang iilang indibiduwal kung saan sinasamantala ang bayan, kapwa at lipunan.
Ngunit para kay Eros Atalia, dalubguro ng Filipino sa Unibersidad, isang malaking kasalanan ang pagpasok ng literatura sa akademiya dahil sa pagkakaroon ng “politics of label.”
“’Yan ang pinakamalaking kasalanan natin sa literatura, iyong pinagkatiwala natin ito sa akademiya. Dahil ba sinabi ng eskwelahan, workshop na ganito ang tula at kuwento, dapat ganito na rin ang paniniwala ng mga batang manunulat? Hindi nage-exist ang akademiya para sa panitikan,” aniya.
Iminungkahi ni de los Reyes na tanggalin ang kategorya sa pagitan ng panitikan at mas pahalagahan na lamang ang binabasa ng mga tao.
Inilahad niya na dapat hanapin ang mas malalim na saysay ng panitikan sa pagtataguyod ng karunungan sa kapuwa dahil walang saysay kung ang mga edukado lamang ang maguusap-usap.
“Speak to their (masa) language at angatin mo sila dahan-dahan para magbasa,” aniya.
Hinimok naman ni Atalia ang mga nagnanais na sumulat na “danasin ang danas ng buhay” upang makapagsulat ng akda na maaaring ipagmalaki sa ika-21 siglo.