MAPANGAHAS ang pinakabagong panulat ng batikang kuwentista na si Eros Atalia na sumungkit para sa kanya ng ikatlo niyang panalo sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Ito ang nobelang “Ang Ikatlong Anti-Kristo” na inilathala na ngayon ng Visprint (290 pahina).
Makapanindig-balahibo ang bagong timpla ng pagsasalaysay ni Atalia ng katatakutan. Inilalangkap na niya ngayon ang relihiyon sa pagtalakay ng realidad ng kasamaan. Sa “Ang Ikatlong Anti-Kristo,” umiinog ang kuwento sa konteksto ng mga napapanahong isyung panlipunan tulad ng suliranin ng mga magsasaka, extrajudicial killings, takbo ng politika sa bansa, hatian sa kita ng mga kontratista, paglaganap ng sugal at droga, at tungkulin ng media sa pagbabalita.
Sa nobela, ang tauhang ikatlong Anti-Kristo ay si Padre Markus, isang hinahangaang pari dahil sa kaniyang natatanging kakayahan sa panghuhula at pagpapagaling ng mga maysakit. Lubos siyang ulila dahil sa oras mismo ng kanyang binyag ay gumuho ang simbahan ng Sta. Quiteria na ikinasawi ng mga magulang at kamag-anak niya. Mula noon, si Padre Domeng na ang tumayong ama ng paslit na si Markus.
Hango ang konsepto ng kuwento sa propesiya ni Nostradamus, isang dating doktor na pinaniniwaalaang nabaliw bago gumawa ng libo-libong berso at propesiyang madalas nagkatotoo. Ang unang dalawang anti-Kristo ay sina Napoleon Bonaparte (1769-1821) at si Adolf “Hisler” Hitler (1889-1945). Dahil naging Hisler ang Hitler, ginawang Markus ni Eros Atalia ang “Mabus” na pangalang hinulaan ni Nostradamus na siyang pangatlong anti-Kristo na aniya, mangagaling sa Silangan at isang Katoliko.
Sa kathang-isip na San Isidro ang tagpuan ng nobelang ito. Isa itong pook na mikrokosmo ng Kristiyanismo. Dito, nakakabit ang pananampalataya sa biyaya. Inilalarawan ni Atalia ang bayang ito na parang may sakit dahil sa nararanasang tagtuyot at pananamalay ng mga ani.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag sa nobela na dumarami lang ang tao sa simbahan ng bayang ito kapag may babasbasang patay, may pabinyag, magpapakasal at kapag may okasyon gaya ng pista, Pasko, Bagong Taon, Mahal na Araw. Subalit kapag nakalipas na ang mga nabanggit na okasyon, nagiging madalang na ang pagsisimba ng mga tao.
Ngunit sa pagdating ni Padre Markus, halos napupuno na muli ang simbahan.
Kakikitaan ang paggamit ng mga berso sa bibliya at mga terminolohiyang may kinalaman sa pagpapari ang nobelang ito; isang patunay na masuring pananaliksik ang ginawa para dito.
Sa mga diyalogo, makikita pa rin ang likas na pagpapatawa ng may akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga masiyahing tauhan. Kahanga-hanga ang pagkakahabi ng kuwento; naipasok ang mga isyung panlipunan nang hindi nasisira ang istorya.
Gaya ng iba pa niyang nobela, maraming bagay sa kuwento ang hindi lantarang nasasagot dahil sa pagtitimping ginagamit ni Atalia. Ngunit marahil may isang mahalagang tanong ang kikintal sa isipan sa magbabasa ng nobelang ito: Galing ba talaga sa kabutihan ang lahat ng himala o tinitingnan lang natin ang himala bilang mabuti kahit galing ito sa kasamaan?