BANAS ka ba sa Microsoft Word tuwing nagkakaroon ng kulay-pulang linya sa ibaba ng mga salita sa wikang Filipino, dahil hindi ito naka-programa sa popular na word-processing software?
Huwag mayamot dahil ang ortograpiyang ginamit nina Rizal, Bonifacio, at iba pang mga bayaning manunulat ay ilulunsad na “Filipino Spell Checker” sa susunod na taon sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Humigit-kumulang 60 milyong mga salita mula sa iba’t ibang wika sa Filipinas ang nakapaloob sa Filipino Spell Checker.
“‘Yung corpus collection ay hindi naman namin nililimitahan sa mga corpus na nakukuha o nilathala online. ‘Yung mga ganoong document kinokolekta pa rin namin siya, lalo na ‘yung mga article ni Bonifacio, ni Rizal, so kailangan pa rin natin silang tingnan,” wika ni Jeslie del Ayre, mananaliksik sa wika sa KWF.
Binigyang diin ni Ayre ang kahalagahan ng teknolohiya sa modernong paggamit ng wikang Filipino.
“Marapat lamang na magkaroon din ng ibang paraan gamit ang teknolohiya para naman sa modernong paggamit ng Filipino,” aniya.
Taong 2016 nang simulan ang pagbuo ng nabanggit na software sa pamamagitan ng pagbuo ng mga rule pattern na nakabatay sa Ortograpiyang Pambansa na inilathala ng komisyon noong 2013.
Nagkaroon ng pilot-testing sa tanggapan ng KWF ngunit patuloy pa rin ang ilang kawani ng komisyon sa pagsasanay sa software at pagsasayos sa mga kakulangan nito.
Dagdag pa ni John Enrico Torralba, pinuno ng sangay ng edukasiyon at networking sa KWF, sa mga pormal na sulatin mas malilinang ang paggamit ng nabanggit na software.