MALAMIG ang tubig-gripong bumubuhos sa dalawang maliliit na kamay ni Kulas. Binabanlawan ang mga sinabunan niyang mga makikintab na kubyertos. Abala namang hinahalo ng kaniyang ina na si Aling Nenet ang paborito nilang pasta para sa spaghetti na kakainin nila mamaya kasama ang hamon, inihaw na isang buong manok, sinaing na kanin, at pampatulak na serbesa. Maya’t maya ang pagbaling ng ulo ni Kulas sa kaniyang malaking pulang medyas na may mukha ni Santa, habang dinuduyan ito ng hangin na pumapasok sa bintanang pinagsasabitan nito.
“Makikita rin kita, makikita na kita,” bulong ng bata sa kaniyang sarili habang tinitingnan ang medyas sa kanilang sala.
Isang araw matapos ang unang Misa de Gallo nang magsimula ang kuwentuhan nina Kulas at ng kaniyang mga kaklase tungkol sa mga nakukuha nilang regalo sa kani-kaniyang malalaking medyas. May mga nakatatanggap ng kamiseta, jacket, laruang Iron Man, at iba pa. Mayroon ding nakatanggap ng mga regalong higit na malaki sa sinabit nilang medyas: bola ng basketball, bike, at iPad. Bagaman nakuha na ni Kulas ang ibang mga hiling niya sa kaniyang mahabang wish list, hindi siya sumasali sa usapan dahil hindi niya pa nakukuha ang pinakauna sa kaniyang mga kahilingan.
Tumigil sa paghahanap si Kulas sa kaniyang listahan isang araw pagkatapos nitong mawala sa kaniyang mesa nang may nakuha siyang earphones sa loob ng kaniyang medyas. Dumaan pa ang ilang mga araw at natutupad ang mga kahilingan niya sa listahan, isang regalo bawat araw. Alam ni Kulas na nagsimula sa ibaba ng kaniyang listahan ang nahuhugot niyang regalo sa medyas. Napansin niya rin na mas nauna niyang nakuha ang Rubik’s Cube bago ang hiling niyang robot, at may mga araw ding lumilipas bago ulit magkaroon ng laman ang medyas.
“Maging mabait ka lang palagi, anak,” sabi ni Aling Nenet kay Kulas matapos nitong umiyak dahil natagalan sa pagdating ang susunod na regalo.
“Nakikita ni Santa ang mga kilos mo araw-araw.” Ito palagi ang sambit ni Aling Nenet sa kaniyang anak malayo pa man ang Pasko kaya naaasahan niya ito na gumising nang maaga upang hindi na siya hintayin ng school bus, at tulungan siya sa mga gawaing-bahay kaya hindi na sila kumuha ng kasambahay. Wika niya, silang dalawa raw ang palaging nagbabantay kay Kulas. At kapag maiiwan siyang mag-isa sa bahay, si Santa raw ang titingin sa bata.
“Ano po ba ang hitsura ni Santa?” tanong ni Kulas sa nanay habang dinadala ang sinalang pasta sa mesa. “Totoo po ba yung nakikita nating mga picture niya sa telebisiyon?”
Umiling ang ina na may kasamang ngisi. “Moreno tulad mo, si Santa,” sabi ni Aling Nenet. “Kulot ang buhok niya, oo, pero itim ang kulay nito, at higit sa lahat, makisig!”
Biglang napatigil ang bata sa kakaayos ng mesa. Hindi makapaniwala. Kasalungat ng mga sinabi ng kaniyang ina ang nakikita at napapanood niya sa telebisiyon o Facebook. Iba rin ito sa mga sinasabi ng kaniyang mga kamag-aral, maging ang kaniyang mga guro. Hindi rin naman iyon ang hitsura ng Santa na nakapatong sa sinabit niyang medyas. Lalong nabawasan ang paniniwala rito ni Kulas.
Sa isip niya, marahil mas mayaman ang maputing Santa o sadyang hindi naman talaga ito totoo kaya hindi pa siya mabigyan ng PlayStation 4 at ng iPad na hiniling niya noong isang taon.
Simula nang sinabit niya ang malaking medyas sa bintana ng kanilang sala, gabi-gabi siyang gumigising at pumupuslit sa kaniyang nanay na katabi niya sa kaniyang pagtulog. Sumisilip siya mula sa siwang ng kanilang pintuan. Nagaabang, natatakot, at nagagalak. Ngunit palagi siyang nahuhuli at pinababalik sa kama ng kaniyang nanay kapag nararamdaman nitong maluwag ang kanilang kama.
Nakahanda na ang mga pagkain sa mesa; mas marami sa karaniwan nilang kinakaing dalawa araw-araw at kahit sa anumang handaan. Nagbihis na si Aling Nenet ng pulang blusa; katulad ng kulay ng polo ni Kulas. Sinisipat ni Aling Nenet ang bintana, hinihintay ang kanilang kasalo.
Pinakuha ni Aling Nenet ang kaniyang telepono kay Kulas sa kuwarto. Tunog nang tunog ito habang hinahalungkat niya ang bag ng kaniyang ina. Kung ano-anong papel na ang nahulog mula rito. Nabasa niya ang isang pamilyar na pangalan ng lalaki bago niya ito binigay sa kaniyang ina.
Bumalik si Kulas sa kuwarto at inayos ang mga kalat. Habang sinasalansan niya ang mga papel, nakita niya ang kaniyang nawawalang wishlist. May marka na ang ilan sa mga nakasulat dito at may mga petsa sa bawat nakalista na tugma sa kung kailan niya nakuha ang bawat regalo.
Ilang sandali pa, tumunog na ang kanilang doorbell.
“Nandito na siya, Kulas!” sigaw ng kaniyang ina.