“Sa may bahay ang aming bati;
Sa bahay-bahay, mayro’n kaming hatid
Bago at pagkatapos ng bawat sermon ng pari—
“’Merry Christmas’ na maluwalhati;
Mga natutuhang bersong may kapalit na salapi.
“Ang pag-ibig, ‘pag siyang naghari, araw-araw ay magiging Pasko lagi;
Maya-maya na kami ni bunso uuwi
Susuyurin muna ang mga bahay na triple ang laki
Sa barung-barong na iniwan bago gumabi.
“Ang sanhi po ng pagparito, hihingi po ng aginaldo
Sa murang edad, hindi alintana ang hiya sa madla
Tulad ng sinasambit sa awiting kinabisa:
“Kung sakaling kami’y perhuwisyo
“Pasensya na kayo’t kami’y namamasko!”
Wala man sa aming humahalili
Para abutin ang door bell ng matatayog na haligi,
Batid kong dinig nila ang bawat hampas sa tamburin.
“Namamasko po!”
Sa isang mag-aabot, sampu ang ito’ng sambit:
“Patawad!”