HINDI kailanman mawawalan ng mulat na Tomasino na handang ipaglaban ang karapatang-pantao, lalo na ng kaniyang kapuwa.
Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 1981, lumahok ang ilang mag-aaral ng Unibersidad sa pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights.
Kinabilangan ng mahigit 3,000 katao ang pagtitipon na idinaos noong ika-10 ng Disyembre sa Christ the King Seminary sa E. Rodriguez Avenue, Lungsod Quezon. Mula sila sa iba’t ibang sektor at ahensiya ang mga dumalo sa pagkilos.
Pinangunahan ito ng Makabayang Kilusan Para Isulong ang Katarungan (MAKIISA-KA), isang samahan ng 30 magkakaibang organisasiyon sa bansa.
Kabilang sa mga namuno ng gawain sina Jose B.L. Reyes, dating hukom ng Korte Suprema at miyembro ng komite ng Civil Liberties Union of the Philippines (CLUP); Padre Pacifico Ortiz, S.J., dating pangulo ng Ateneo de Manila at miyembro ng Church Military Liaison Committee (CMLC); Obispo Antonio Nepomuceno, O.M.L.; at kilalang abogado na si Mary Concepcion Bautista.
Paggunita ang pagtitipong iyon sa ikatlong buwan ng kampanya upang isulong ang karapatang pantao laban sa mga pang-aabuso kaugnay ng Batas Militar.
Tomasino siya
Isang arkitektong Tomasino ang nangunguna sa pagtatayo ng mga gusali na environment-friendly. Ilan sa mga naging kliyente niya ang mga malalaking kompanya tulad ng Ayala Land Corp., ABS-CBN, BayaniJuan, at Government Service Insurance System (GSIS).
Nagtapos si Edgar Reformado ng kursong Architecture noong 1957 sa Unibersidad at naging matagumpay sa larang at iba’t ibang kompanya.
Itinatag niya ang Green Architecture Advocacy of the Philippines noong 2010 na naglalayong mapanatili ang pangangalaga sa kalikasan sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga itinatayong mga gusali.
Siya rin ang nagtatag ng Annual Green Forum, isa sa mga pinakamatagal na green event o pagtitipon upang pag-usapan ang mga isyung pangkalikasan sa bansa.
Tumanggap din siya ng mga pagkilala, tulad ng Father Neri Satur Award for Environmental Heroism na iginagawad para sa mga nag-ambag sa pangangalaga ng kalikasan, noong 2009. Ginawaran din siya ng United Architects of the Philippines (UAP) lifetime achievement award noong 2014.
Noong 2007, itinalaga siyang tagapangulo ng Architects Bowling Club. Nagsilbi rin siyang pangulo at director ng Philippine Bowling Congress, Philippine Construction Association at Architects Toastmaster Club.
Sa kasalukuyan, tumatayo siyang kasangguni ng ENDESCO, isang multi-disiplinaryong engineering design, consulting at construction management firm, at arkitekto ng Professional Design Architect.