BILANG pakikiisa sa misyon ni Mother Teresa sa India noong 1976, nag-ayuno ang mga Tomasino sa loob ng isang buong araw. Tinawag ang pagkilos na “Because I Care.”
Idinaos noong ika-17 ng Pebrero 1976, ang programa ay pinamunuan ng Student Organizations Coordinating Council ng UST at may layuning iparating ang malasakit ng mga Tomasino sa mga nagugutom sa bansa.
Bukod sa pag-aayuno, nangalap din ang Unibersidad ng mga donasyon para sa mga organisasiyong nagsasagawa ng feeding program sa India at Maynila. Umabot sa P8,323.32 ang nalikom na tulong mula sa mga Tomasino.
Ikinagalak ni Padre Efren Rivera, O.P., kawaning rektor ng Unibersidad noon, ang nasabing aktibidad at idiniin sa kaniyang homiliya na mainam na paraan ang pag-aayuno upang maramdaman ng mga Tomasino ang hirap ng mga pamilyang nagugutom.
Sa ganitong paraan, wika niya, nakararanas ng kalinga ang mga mahihirap kasabay ng pagkatuto ng mga Toamasino na maging mapagbigay.
Ipinagtanggol din noon ni Padre Rivera si Mother Teresa sa mga kritiko at sinabing ehemplo ang madre ng pag-ibig ng Diyos sa mga taong nagdurusa, naghihirap at napababayaan.

Tomasino siya
Sa loob ng kaniyang mahabang buhay, napakaraming naiambag ni Pablo Panlilio sa larangan ng arkitektura hindi lamang sa Filipinas kundi pati sa ibang panig ng mundo.
Taong 1937 nang magtapos siya ng kolehiyo sa Unibersidad. Matapos makapasa sa licensure examinations para sa mga arkitekto noong 1938, nagtungo si Panlilio sa Pransya upang kumuha ng post-baccalaureate studies sa Ecole des Beaux Arts. Lumipad siya patungong Estados Unidos noong 1939 upang kumuha ng masterado sa sining sa Catholic University of Washington.
Isa sa mga itinuturing na henyong ambag ni Panlilio sa arkitektura ang pagpapakilala niya sa mas malawak na alulod, ang bahagi ng bubong ng isang bahay kung saan dumadaloy ang tubig-ulan. Layunin ng nasabing imbensiyon na protektahan ang buong bahay sa ulan at init ng araw. Sa kalaunan, naging modelo at polisiya ang itinakdang sukat ni Panlilio sa paggawa ng mga bubong sa Filipinas.
Dahil sa kaniyang natatanging galing sa napiling larangan, nakatanggap siya noong 1951 ng komisyon sa pag-disenyo ng American Veterans Memorial Hospital sa Quezon City, ang kauna-unahang kompletong ospital sa Asya.
Ilan pa sa mga kilalang estruktura na may ambag si Panlilio ay ang Manuel L. Quezon University at Singian Memorial Hospital. Dahil sa mga ito, itinalaga siya bilang honorary consulting architect ng Maynila.
Bukod sa kaniyang mga proyekto, namuno si Panlilio sa ilang mga organisasiyon tulad ng Architectural Centre Club, Inc., United Architects of the Philippines, Philippine Constructors Association, at iba pa.
Ginawaran siya ng The Outstanding Thomasian Alumni Award noong 2006.
Pumanaw si Panlilio sa edad na 99 noong 2012.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.