Photo by Michael Angelo M. Reyes

ISANG Tomasinong dalubguro ang nagwagi sa ikaapat na Gawad Julian Cruz Balmaseda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa kaniyang pagtalakay sa pagpupunyagi ng akademikong Tomasino sa pamimilosopiyang Filipino.

Kinilalang pinakamahusay na disertasyon ang akda ni Emmanuel de Leon, dalubguro ng pilosopiya sa Unibersidad, na pinamagatang “Ang Intelektuwal na Pamana ng mga Pangunahing Tomasinong Pilosoper sa Kasaysayan ng Pamimilosopiyang Filipino: Quito, Mercado, Hornedo, Timbreza, Abulad at Co.”

“Naniniwala ako na mayroong malaking ambag sa pag-usbong ng pilosopiya sa ating bansa ang mga kapuwa nating Tomasinong Pilosoper. Malakas ang aking paniniwala na ang mga wika ay may pagkakapantay-pantay at kayang saluhin ng Wikang Filipino ang matatayog na konsepto at haraya ng pilosopiya,”ani de Leon sa isang panayam sa Varsitarian.

Iginiit niya na kailangang pagyamanin pa ang binhing pilosopikal dahil marami pa rin ang nagdududa sa antas ng pilosopiyang Filipino.

“Mayroon tayong pananagutan na buksan pang lalo ang mga diskurso nila upang lalo pang maitaguyod ang tradisiyong kanilang sinimulan, hindi lamang sa ating pamantasan kundi maging sa buong bansa. Kailangan nating simulan ang ating mga pananaliksik mula sa loob ng ating bakuran bago tayo lumabas,” dagdag pa niya.

Nakamtan ni de Leon ang kaniyang doktorado sa pilosopiya sa UST noong Hulyo 2017.

Pinuri ni Eulalo Guieb, tagapangulo ng lupon ng inampalan, ang mahusay at lohikal na artikulasyon, pagkakasulat at dokumentasiyon ng disertasiyon ni de Leon.

Ipinagkakaloob ang Gawad Julian Cruz Balmaseda sa mga natatanging tesis at disertasiyon sa agham, matematika, at agham panlipunan na isinulat sa wikang Filipino.

Naglalayong maghikayat at magpalaganap ang patimpalak na ito na magsulat sa Filipino at iba pang mga wika ng Filipinas ng mga akdang orihinal, kabilang ang mga teksbuk at sangguniang materyales sa iba’t ibang disiplina.

Iginagawad ito tuwing o malapit sa Araw ni Julian Cruz Balmaseda (28 Enero 1895–18 Setyembre 1947), tanyag na makata, kritiko at iskolar ng Filipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.