Antonio Tinio, ACT Teachers partylist representative and son of Rolando Tinio. Photo by Miah Terenz Provido

ANGKOP pa rin sa mga pangyayari sa lipunan ang mensahe ng mga akda ni Rolando Tinio, Tomasinong Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro at Panitikan.

Ayon kay Patricia Licuanan, dating tagapangulo ng Komisiyon sa Lalong Mataas na Edukasyon, napapanahon ang kaniyang mga dula gaya ng “May Katwiran ang Katwiran (1972)” na itinanghal sa pagdiriwang ng ika-81 kaarawan ni Tinio sa Ateneo de Manila noong ika-5 ng Marso.

“I remember those plays well [and by] listening to the messages, they applied today, right. Rolando Tinio was really genius and his legacy was so important and we have to promote it,” wika ni Licuanan sa isang panayam sa Varsitarian.

Sinang-ayunan ito ni Gary Devilles, tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino sa Ateneo, na nagbigay-diin sa kahalagahang maipakita sa madla ang mga akda ni Tinio.

“Sa panahon ngayon na nangyayari na ang mga [extrajudicial killings], mahalagang makita rin sa publiko at maintindihan na may mga akda na bagaman sinulat noon pang dekada ’70 hanggang ngayon ay makabuluhan pa rin,” wika ni Devilles.

Dagdag pa niya, bunga ng pagiging masigasig ni Tinio sa “pagsasa-Filipino ng lahat,” nagkakaroon ang mga Filipino ng paggunita sa kaniyang mga akda at kontribusiyon sa Filipinismo na umaabot maging sa ibang bansa.

Para naman kay Michael Coroza, isang makata at dalubguro, isang paraan ng patuloy na pagpapahalaga sa wika at panitikang Filipino ang pagpupugay sa mga kontribusiyon ni Tinio.

“Tandaan [na] ang mahusay na sining ay laging napapanahon. Kaya mahusay na sining kasi nga laging napapanahon,” aniya.

Ibinahagi rin ni Antonio, anak ni Tinio, ang pagkamangha ng mga manonood sa dula ng kaniyang ama.

“Na-realize kong napaka-topical pala ng dulang ito na tungkol sa pang-aapi ng mayaman sa mga mahihirap. Ipinakikita na hindi pa rin nagbabago ang lipunang Pilipino kasi ngayon nagiging pangulo na ang mga iyon,” wika niya.

Isang makata, manunulat ng dula, guro, kritiko at tagasalin si Rolando Tinio, na ipinangak noong 1937 sa Tondo, Maynila. Umani si Tinio ng mga parangal sa prestihiyosong Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.