MALOLOS, BULACAN – KAILANGANG payabungin ang tradisiyonal na uri ng panitikan upang makintal sa mga kabataan ang paggunita sa buhay ni Hesukristo tuwing Semana Santa, ayon sa Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, sa pabasang ginanap sa simbahan ng Barasoain.
Itinampok ang mga pabasa mula sa lalawigan ng Iloilo, Bicol, Marinduque, Pampanga at Bulacan bilang bahagi ng Buwan ng Panitikan sa simbahan ng Barasoain sa Malolos.
“‘Yong pasiyon kasi ay bahagi ng ating tradisiyon na Kristiyano [at] napakahalaga [nito] sa buong buhay [natin] kaya gusto namin na sa pamamagitan ng pabasa [ay] maibalik ang paggunita, [lalong-lalo] na ng present generation, sa ganitong traditional form,” paliwanag ni Almario, tagapangulo ng Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), sa isang panayam sa Varsitarian.
Sinang-ayunan ito ni Armando Santa Ana, kinatawan ng Arts, Culture, Tourism and Sports Division ng Malolos, na nagsabing layunin ng pabasa sa Barasoain na muling buhayin at balikan ang sinaunang panitikang Filipino.
“Dito sa Bulacan, buhay na buhay ang pag-alaala ng pasiyon ni Hesukristo. Dito makikita ang mga kaugalian at tradisiyon [kagaya ng] pabasa [at] senakulo,” aniya.
Mga pagbabago sa iba’t ibang lalawigan
Ibinahagi naman ng mga kinatawan ng iba’t ibang lalawigan ang kanilang pamamaraan ng pabasa sa kanilang lugar at ang mga pagbabago sa mga ito.
Kuwento ni Charito Remon, pasiyonista mula sa Bicol, “Maraming tahanan sa amin noon na nagpapabasa mula Lunes Santo hanggang Biyernes Santo ngunit ngayon ay nagsisimula na lamang ng Miyerkules Santo, siguro nagtitipid sa budget.”
Binigyang-diin din niya ang kawalang-kaalaman ng mga kabataan tungkol sa pagbasa ng pasiyon lalo na ang tono nito na itinuturing na awtentiko.
Sangayon dito si Pascuelita Midaig, kinatawan mula sa Marinduque, na nagsabing dapat itong taglayin sa diwa ng mga kabataan upang patuloy na magpakumbaba.
“Ito pong pasiyon, na kasaysayan ng ating Panginoon, ay dapat punlahin sa ating puso’t isipan dahil ngayon po ay pinaiiral ang mga makina ng mga ‘di karapat dapat.” sabi niya.
‘Panalanging napapanahon’
Iginiit naman ni Padre Dars Cabral, kura-paroko ng Barasoain, na “panalanging napapanahon” ang pasiyon at mabisang instrumento sa kasaysayan ng pananampalataya’t pagninilay na nag-ugat sa kamalayan ng pagmamahal at kaugnayan sa Diyos ng mga Pilipino.
“Sa pamamagitan ng pag-awit ng mga ito, isinasang-ayon natin ang nangyari sa Panginoong Hesukristo kaya sa mga kabataan ng simbahan, hindi ito tradisiyon [bagkus] ito ay panalangin na laging napapanahon,” sabi ni Cabral.
Dagdag pa niya, bagaman hindi praktikal ang pabasa dahil sa haba, gastos at kawalan ng interes ng kabataan, makikitaan ito ng kahalagahan dahil naiugat nito ang pagka-Filipino sa pananampalatayang Kristiyano.
Nabanggit din ni Cabral ang aral ng Heswitang manunulat na si Padre Horacio de la Costa, na “awitin at pananampalataya” ang dalawang katangian ng mga Pilipino sa pakikipag-uganayan sa Diyos.
“Ipinagpapatuloy ng pabasa ang diwang ito – sa musika, nakakadaupang-palad natin ang ating pananampalataya. Faith becomes practical actually in the pabasa dahil mayroon tayong isinasagawang pagpapasakit dito at ipinahahayag ng tugtog ang pagpapahayag ng ating pananampalataya,” wika niya.
Mahalaga ring alalahanin ang pagpapasakit ni Kristo gamit ang Krus upang maunawaan ang aral sa pananampalataya sa tradisiyon ng pabasa, dagdag ni Cabral.
Pinangunahan ng NCCA, Komisyon ng Wikang Filipino at Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ang “Pabasa: Himig ng Kultura sa Semana Santa” nitong ika-28 ng Marso, apat na araw bago ang pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.
Ayon kay Almario, nauna itong ginawa dahil kinakailangang itapat sa Semana Santa.
Sa unang araw ng Abril pormal na binuksan ang Buwan ng Panitikan sa lalawigan ng Bataan.