Mga akdang bunga ng pagkahenyo ni Bautista sa panitikang Filipino

0
1842

HINDI lamang sa pagsulat sa wikang Ingles napabantog si Cirlio Bautista, Tomasinong Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, kundi pati na rin ang mismong pagsusulat niya ng mga akda gamit ang wikang pambansa.

Pinakatanyag sa mga ito ang “Galaw ng Asoge” (2004, UST Publishing House), ang kaniyang kauna-unahang nobela sa Filipino at ang “Sugat ng Salita” (1985, De La Salle University Publications), ang kaniyang unang limbag na koleksiyon ng tula sa Filipino.

Kuwento ni Rogelio Mangahas, makata at kritiko, sa komentaryo nito sa “Sugat ng Salita,” “Noong bago mag-Martial Law, kabilang siya (Bautista) sa mga makata sa Ingles na pumalaot sa literaturang Tagalog na gumagamit ng paraang Mordernista at nagtataglay ng progresibong pananaw.”

Dagdag pa ni Mangahas, malaki ang ambag sa estetika at sensibilidad ng modernistang panulaan ang mabulas at makabagong klasikong pananagalog ni Bautista.

Napatunayan ito sa “Sugat ng Salita” na bumabagtas sa kapangyarihan ng salita sa karanasan ng isang tao gamit na rin ang ilang simbolismong dudurog sa hiraya ng mambabasa. Naglalaman ito ng 46 na tulang lumabas sa tradisiyonal na paraan ng pagsusulat.

May pagkakataong binasag ni Bautista ang karaniwang kaalaman sa simbolismo tulad ng kalapati para sa kapayapaan. Sa kaniyang tulang “Ang Kalapati Sa Aking Silid,” naging mapangahas ang kaniyang paglalarawan dito na makikita sa sumusunod na taludtod: Ang kalapati sa aking silid / ay asul ang bituka / at isang talampakan ang pilikmata. / Kapag ibinuka / niya ang kanyang pakpak / sa saliw ng dilim / agad babagsak / sa lakas ng hangin / ang tore ni David / guguho tila / sunod na pangarap.

Gumagamit din siya ng mga konseptong panrelihiyon, na mababasa katulad na lamang sa kaniyang tulang “Upang Maging Diyos,” upang mas mailahad ang saysay ng buhay at kamatayan: at iaalaay mo sa sariling / multo na may ngiping lagare / ang pormula: kunin kainin / Ito ang aking katawan.

Naglalaman din ang koleksiyon ni Bautista ng tulang iniaalay niya sa ilang mga kinikilalang tao. Ilan dito ang “Tagulaylay” para sa pagyao ni Valdemar Olaguer, dating guro sa Ateneo de Manila, at “Unang Salita” para kay Carlos Cortinez, makata mula sa Chile.

Agaw-pansin din ang huling tula nito na “Sugat ng Salita” bunga ng pagtalikod nito sa makalumang anyo ng panulaan na may sukat at tugma. Gayon pa man, naiparamdam naman ni Bautista ang sakit ng kawalan ng pagkilala sa kabila ng pagtulong sa kapuwa. Bakas ito sa mga linyang: itawid / doon sa / kabilang / ibayo / sa bundok / na luntian / sapagkat / maulap / magrasya / sapagkat / may awitan / At kapag / naiupo / mo na kami / sa aming / tuyong bukas / ipapako / ka naming sa / kapirasong / kahoy at / ihahagis / sa dagat / Pagmamasdan / ka naming / malunod / mangingisdang / malungkot / sa saliw / ng aming / halakhak.

Naging paksa naman sa kaniyang nobelang “Galaw ng Asoge” ang tunggalian sa pagitan ng sining at pulitika, pulitika at pamilya, pamilya at negosyo, negosyo at dignidad, at dignidad at pagkatao sa buhay ng mga mayayaman at makapangyarihan.

Gumalaw ang asoge (mercury) sa buhay ni Amado Ortiz, ang pangunahing tauhan sa nobela, pangalawang anak ng nabaldadong negosyanteng si Carlos, noong taong 1965.

Dahil sa karamdaman ng kaniyang ama na si Carlos, ipinasa niya ito kay Amado sa paniniwala na maisasalba at mapapalago ang kanilang negosyo katulong ang kaniyang panganay na kapatid na si Clara na galing sa sawing pag-ibig. Naging patnubay din ni Amado sa negosyo si Ben, isang maralitang makata na mas maalam at matibay ang sikmura sa pakikipagtunggali sa kapalaran.

Bukod kay Amado, kabilang din sa nobela ang ilang tauhan tulad ni Rosario, ang ina ni Amado na itinuturing na may pinakamatatag na paniniwala at paninindigan sa lahat ng mga tauhan; ang magandang iniibig ni Amado na si Mita Gonzales na nagtaksil sa kaniya; at ang mga kaibigang traydor na mag-amang milyonaryo na sina Don Agustin at ang tuso niyang anak na si Angela na dahilan ng pagbagsak ng ilang negosyo ng pamilya sa ibang bansa.

Nagwakas ang nobela nang matagumpay na si Amado sa mga nais niyang mangyari sa kaniyang buhay subalit naging panandalian lamang ito nang mamatay ang kaniyang ama pero pinili pa rin niya na mamuhay nang matiwasay at maligaya sa piling kaniyang ina at mga kapatid.

Ginamit niyang simbolo ang “asoge” bilang gabay sa pakikipaglaban sa buhay ni Amado, ang pangunahing tauhan- mabilis, malikot at hindi mahulaan ang kilos.

Binigyang-diin din sa nobela na hindi kapangyarihan o kayamanan ang nagpapagalaw sa buhay ng tao kundi ang kapangyarihan ng wika ang makapagpabago ng buhay at pananaw ng isang tao dahil kaya ng wikang “gumamot o kumitil, dumagok at humalik, pumuri at sumumpa, ngumata, at lumuwa ng kaligayahan, humuli at magpakawala sa mga pitpit ng guniguni, manangis at sumayaw sa kalansay ng patay.”

Dinala ni Bautista ang mambabasa sa iba’t ibang tagpuan sa pamamagitan ng paggamit ng mayabong na mga paglalarawan ng bawat tagpo ng kuwento. Mahusay niyang naisipi ang kasaysayan at pilosopiya sa bawat pahina ng kaniyang akda.

Sa halos 15 taong pagsusulat ng nobelang ito, naipakita din ni Bautista kung paano at gaano pinahihitik ang kaniyang husay sa pagsulat bunga ng kaniyang masuring pananaliksik.

Nakasalig sa personal na buhay at karanasan ni Bautista ang mga lugar na pinangyarihan ng mga tauhan sa kaniyang nobela. Gayumpaman, nagmula pa rin sa kaniyang orihinal na kathang-isip at malikot na imahinasyon ang kabuuan nito.

Bukod sa mga nabanggit, nailimbag din ang ilang pang koleksiyon ng kaniyang mga tula sa Filipino na “Kirot ng Kataga” (1995) at “Tinik sa Dila: Isang Katipunan ng mga Tula” (2003).

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.