Mga makasaysayang lugar sa Filipinas, abot-kamay na

0
2779

Mayroon nang mobile application para sa mga makasaysayang lugar sa Filipinas.

Pormal na ipinakilala sa Google Play Store noong ika-6 ng Mayo ang “Panandâ” kasabay ng pagdiriwang ng National Heritage Month.

Ayon kay Eugene Alvin Villar, ang developer ng app, may mga historical marker ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga pook na tampok. Kasapi ng Wiki Society of the Philippines, isang local non-profit organization na nag-aayos ng mga entry ng Wikipedia sa Filipinas, si Villar.

Sa kasalukuyan, naglalaman ng 520 makasaysayang lugar na may kaakibat na mga larawan ang app.

“Puwedeng makita ang mga lugar sa app sa interactive map o sa isang listahan. Maaari ding markahan ang mga pook ng ‘visited,’” paliwanag ni Villar sa Ingles. Gumagamit ng GPS ang app, dagdag niya.

Inilabas ang Panandâ sa ilalim ng Sector4F, ang kompanyang pinaglilimbagan ni Villar ng kaniyang likhang websites at iba pang digital creations.

Pinagmulan ng datos
Isang paraan ang Panandâ upang maibahagi ang resulta ng patuloy na paglikom ng datos sa naunang dalawang proyekto ng Wiki Society of the Philippines.

Nagsimula silang mangalap ng impormasiyon noong taong 2014 sa pamamagitan ng Cultural Heritage Mapping Project (CHMP), na naglalayong magsanay ng mga indibidwal upang maitala ang mga pamanang kultural ng Filipinas sa Wikipedia at Wikimedia Commons.

Nang lumaon, itinatag na rin ang Encyclopedia of Philippine Heritage (EPH) na nagmamapa ng mga pananda ng makasaysayang lugar na itinalaga ng NHCP at paglagay nito sa Wikidata, isang database na katumbas ng Wikipedia.

Ayon pa kay Villar, mas maa-appreciate ng ang datos ng kasaysayan ng Filipinas kung kaaya-aya ang presentasyon nito, tulad ng gusto nilang gawin sa pamamagitan ng app.

Mga dapat pang asahan
Madaragdagan pa ang mga impormasyon na makikita sa Panandâ. Kasama sa plano ang paglapit sa NHCP upang pormal na makipagtulungan at magkaroon ng kolaborasiyon ang organisasyon ni Villar at ang ahensiya.

Batay sa datos ng NHCP, mayroong apat na pananda sa loob ng Unibersidad: ang dalawang pagkilala sa UST (1935 at 2012) na makikita sa Main Building at likuran ng bantayog ni Fr. Miguel de Benavides, O.P.; ang pagkilala kay Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani; at Manuel L. Quezon, isa sa mga Tomasinong naging pangulo ng Filipinas.

Sa kasalukuyan, tanging pananda nina Rizal at Quezon ang tampok sa mobile app na makikita sa loob ng Unibersidad. Nakalagay ang mga ito sa magkabilang panig ng Arch of the Centuries na nakaharap sa España Boulevard.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.