BINIGYANG-DIIN ng isang premyadong makata na hindi dapat balewalain ang mga “kibot” o “twitch” sa mga akdang isinasalin, sapagkat maaari itong makapagpabago ng diwa at damdamin na ipinahihiwatig ng orihinal na akda.
“[A]ng issue ko ay `yung pagsipat sa mga nuances. Kasi kapag nagsasalin ka, kumbaga sa lambat, nakukuha mo `yung kabuuan ng isda pero may mga nakalulusot. `Yun `yung mga nuances na siguro hindi na nabalikan ng tagasalin,” wika ni Romulo Baquiran, Jr. sa “PandeSalin: Serye ng Panayam sa Saling Pampanitikan” noong ika-1 ng Hulyo sa Gateway Gallery sa lungsod ng Quezon.
Ikinumpara rin ni Baquiran, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, ang pagsasalin sa pagtatanghal ng isang aktor sa entablado.
“Ang pagsasalin ay tulad sa acting o performance na maingat na ginagaya ang damdamin na nakapaloob sa teksto at sinusubok na tumbasan ito, lalo na ang mga laro at kibot ng detalye o nuances ng orihinal. [A]ng tanging pinanghahawakan ng awtor na tagasalin ay ang galaw at kilos ng mga salita,” paliwanag niya.
Aniya, dapat hayaan ng tagasalin na “sumapi” sa kaniya ang ideya ng manunulat upang mabisang maisalin ang orihinal na akda.
“Sa sapi, binubuksan ng medium ang tagasalin sa pahiwatig at pagpapakahulugan ng teksto upang malikha sa target na lengghawe, ang ubod ng orihinal,” sabi niya.
Pinaalalahanan ni Baquiran ang mga tagasalin na mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na dunong upang mabisang maisalin ang isang akda.
“Kailangang maging maingat at matalas ang mata at isipan ng tagasalin upang bihasang malikha ang damdamin tungo sa pareho ngunit bihis na damdamin,” wika niya.
‘Imperfect art’
Para naman kay Marne Kilates, isang tagasalin at isa ring premyadong makata, maituturing na isang “imperfect art” ang pagsasalin.
Aniya, mabisa ang larangan na ito kung naisasalin ang diwa ng isang wika na hindi alam ng mambabasa.
“Ang mahusay na pagsasalin ay kung naipaabot niya sa’yo ‘yung kahulugan na nanggaling sa isang wika na hindi mo alam,” wika niya.
“‘Yung mga wika ay may kanya-kanyang sariling paraan ng paglikha ng kahulugan kasi dala nila ang kasaysayan at kultura ng pinanggalingan ng wika. [`Y]ung paglikha natin ng kahulugan ay iba-iba, hindi magkakapareho,” dagdag pa niya.
Ang Filipinas Institute of Translation, kung saan tagapangulo si Baquiran, kasama ang Komisyon sa Wikang Filipino, ang nag-organisa ng unang serye ng talakayan na may paksang “Damdaming sa Nobela: Kaya Bang Maisalin?”
Gaganapin sa ika-30 ng Setyembre, International Translation Day, ang susunod na serye ng talakayan. Joselle Czarina S. de la Cruz