HINIMOK ng isang historyador ang mga mambabasa ng bagong-lunsad na “Jose Rizal” manga, isang komiks, na maging mapagmatiyag at mapanuri sa lipunang ginagalawan.

Ayon kay Augusto De Viana, tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan sa Unibersidad, dapat itong ipagmalaki ngunit dapat ding isaalang-alang kung paano ginagamit at ipinakikilala rito si Rizal.

“It is a tribute especially if a foreigner is doing it… as long as it is respectful, [we] should be proud [ngunit] dapat tingnan mo rin if how it is being used. Ang maipapayo ko lang ay to look how it is being used,” paliwanag ni De Viana. “Maganda kasi we are exploring other forms of art [subalit] mayroong possibility na ‘yon ay by fad lang [at] after a certain period, wala na.”

Inilunsad ang manga na pinamagatang “Jose Rizal” kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Rizal noong ika-19 ng Hunyo. Nakatuon ito sa buhay at hakbang na ginawa ni Rizal upang maipaglaban ang kasarinlan sa ilalim ng pananakop ng mga Espanyol.

Inilalabas ang bagong tomo nito tuwing Martes hanggang ika-28 ng Agosto at maaaring basahin sa Nihonggo at Ingles. Binabalak ding magkaroon ng bersiyon nito sa Filipino.

Magkakaroon ito ng apat na kabanata na papaksa sa “Unreasonable Life of Filipinos under Spanish Rule,” “The Social Reform born from the Novel,” at “Rizal’s Legacy.” Sa kasalukuyan, mayroon itong tatlong yugto sa unang kabanata.

Pinangunahan ng TORICO, Creative Connections & Commons Inc. (CCC), isang kompanyang pampagsasalin sa Nihonggo nakabase sa Davao, ang paglalathala ng manga.

Hi-jacking of icons
Payo rin ni De Viana na kailangang tingnan hindi lamang si Rizal kundi pati na rin ang mga personalidad sa bansa na naha-hijack para sa iba’t ibang layunin.

“We must also be in the lookout for side na ‘yong ating mga icons ay naha-hijack for some purposes. So far, as I see, kung wala namang desecration na na-i-involve, I think it is okay,” wika niya.

Gayunpaman, iginiit niyang kadalasan, mismong mga Filipino ang gumagamit nito sa kahihiyan at katatawanan.

“Minsan may mga makikita kang mga t-shirts na si Rizal ay naka-shades, o sa cartoons, o kaya ginagamit natin ‘yong pangalan ni Rizal for business, and these are signs of acclamation,” sabi ni De Viana.

Dagdag pa niya, mas maganda ang mga iyon kung isasama sa mga lokal na sining ng mga Filipino.

Binigyang-diin din niya na kailangang kilalanin maging ang nagsulat ng kuwento ng manga na si Takahiro Matsui, isang Hapon na nagtuturo ng Nihonggo sa mga batang Filipino sa Japan.

“We should also examine his background. He may be injecting his own views,” paliwanag niya.

Tampok naman ang dibuho ni Ryo Konno, isang tanyag na mangguguhit na Hapon, sa naturang manga.

‘Rizal is an icon for the Philippines’
Isang karagdagan ang paglalathala ng manga sa mga bagong pamamaraan upang mas maipakilala ang Filipinas sa buong mundo.

Ayon kay De Viana, “’Yong awareness [dulot ng pagbabasa sa buhay ni Rizal,] it also adds to the image of the Philippines. Rizal is an icon for the country.”

Nabanggit din niya ang mahabang panahong paghanga ng mga Hapon kay Rizal. Nagmula ito sa panahon ni Suehiro Tetcho na nagsalin sa mga gawa ni Rizal hanggang sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan ginamit si Rizal bilang kasangkapan ng propaganda.

Kinuwento rin niya na hiniram din maging ng mga Indonesian ang “Last Farewell” na siyang ginagamit ng kanilang mga mandirigma. Pinasasaulo rin sa kanila ang “Mi Ultimo Adios” bago lumusob sa giyera.

“Even the Indonesians…ang inspiration talaga ay si Rizal. Malaysia naman, they also have adapted kasi pati ang Deputy Prime Minister ay member ng Knights of Rizal and admires the principles of Rizal,” wika ni De Viana.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.