Kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa agham, pag-iibayuhin

0
12905

KAILANGANG himukin ang mga siyentipiko na gamitin ang wikang Filipino sa pananaliksik, panghihimok ng isang dalubguro.

Iginiit ni Fortunato Sevilla III, propesor emeritus ng kimika sa Unibersidad, na malaki ang pangangailangan ng paggamit ng wikang Filipino sa agham at teknolohiya.

“[S]a agrikultura, kita nila ang pangangailangan, dahil kailangan nilang ipahatid sa mga magsasaka ang kanilang kaalaman at hindi ito puwede sa salitang Ingles,” paliwanag niya sa idinaos na Kapihang Wika noong ika-26 ng Hulyo sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining sa Intramuros.

Idiniin niya na ang pagtuturo ng agham at matematika sa wikang Ingles sa batayang edukasiyon ang nangungunang dahilan kung bakit walang nagtatangkang gumamit ng wikang Filipino sa pag-aaral nito.

Dagdag pa ni Sevilla, naging limitado ito bunga na rin ng mga sentimiyento ng mga siyentipiko na walang mga tiyak na termino at salitang maaaring gamitin sa wikang Filipino.

“Ganiyan po ang kalagayan [dahil] sa basic education, lahat ay [maaaring ituro] sa Filipino maliban sa science at mathematics… [S]asabihin ng mga siyentipiko, nasaan ang mga salita [at] mga termino. Tayo ang magbibigay ng termino, tayo ang magsasalin,” wika niya.

Binigyang-diin niya na kailangan nang itakwil ang kaisipang kailangang maging matatas sa paggamit ng wikang Filipino. Gawin lamang itong praktikal, aniya.

Pag-iibayuhin ang mga kakulangan na ito sa pinaplanong pambansang kumperensyang pang-agham at aanyayahan ang mga kasapi ng National Academy of Science ang Technology, wika ni Sevilla.

“Filipino: Wika ng Saliksik” ang tema ng buwan ng wika ngayong Agosto sa taong ito.

Gaganapin naman mula ika-2 hanggang ika-4 ng Agosto ang Kongreso sa Wika sa Gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. sa Unibersidad.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.