Kakulangan sa saliksik, nagpapababa ng pagtingin sa wikang Filipino

0
6818
Ipinapahayag ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang kaniyang State of the Language Address sa idinaos na Kongreso sa Wika 2018 sa Unibersidad. (Kuha ni Enrico Miguel S. Silverio/The Varsitarian)

KINAKAILANGANG magkaroon ng saliksik sa batayang kurikulum ng Filipino upang hindi ito maging “imperyor na wikang pambansa.”

Ito ang iginiit ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa kaniyang 2018 Ulat sa Estado ng Wikang Pambansa sa unang araw ng Kongreso sa Wika sa gusaling Buenaventura G. Paredes, O.P.

“Wala na halos component ng research ang ating kurikulum. [‘Y]ong research ay kinu-cultivate ‘yon eh, hindi naman ‘yon biglaang sasabihin sa’yo o gumawa ka ng footnote [ay] research na,” paliwanag ni Almario noong ika-2 ng Agosto.

Binigyang-diin ni Almario na nananatili ang mababang antas ng wikang Filipino dahil sa kawalan ng paggalang at paglinang dito.

“Hanggang ngayon, kulang sa paggalang ang wikang Filipino, lalo na mula sa mga advocates ng Ingles at may katuwiran sila, dahil may maipagmamalaki ang mga advocates ng Ingles na ang kanilang itinuturong wika ay isang internasyonal na wika ng karunungan,” wika niya.

Binanggit din ni Almario ang pagkamatay ng mga maliliit na wikang katutubo dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa kultura.

“[B]iglang lumitaw sa aming pagsasaliksik na mayroon tayong mga wikang maliliit na hindi na minamahal kahit ng kanilang mga tagapagsalita dahil name-mainstream sila at gusto na nilang kalimutan ang kanilang sariling kultura,” wika niya.

“Kung ang wika ay sinasabi nating kaban ng karunungan, kung may nawawalang kaban ng karunungan ay mamamatay ang isang wika,” dagdag pa niya.

Ibinahagi ni Almario na magkakaroon ng dalawang malaking kumperensya sa Filipinas ngayong taon, ang “International Conference on Endangered Languages” at “Language Archiving,” upang malinang ang wikang Filipino.

“Adyenda sa Pagbuo ng Gramatika ng Wikang Pambansa” ang tema ng Kongreso sa Wika, ang taunang pagtitipon ng mga guro, manunulat at opisyal upang talakayin ang mga suliranin sa paglinang ang wikang pambansa. J. C. S. de la Cruz

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.