Pelikula ang isa sa mga lunsaran upang mailahad ang pang-araw-araw na pagdanas ng mga Pilipino sa kani-kaniyang lugar at panahon. Kaya naman sa ikalawang taon ng Pista ng Pelikulang Filipino, ipinalabas ang walong pelikula upang payabungin ang estetika, kultura at halaga ng lokal na pelikula. Pinamunuan ito ng Film Development Council of the Philippines katuwang ang mga sinehan sa buong Filipinas.
Upang maibahagi ang mga nilalaman at pananaw na nakapaloob dito, sinikap ng Varsitarian na suriin ang mga tampok na pelikula noong ika-15 hanggang ika-21 ng Agosto.
Ang Babaeng Allergic sa WiFi
Inihambing ni Jun Lana sa kaniyang lahok na “Ang Babaeng Allergic sa WiFi” ang panahon na papausbong pa lang ang teknolohiya sa kasalukuyang pamamayagpag nito.
Nagambala ang lahat nang nagbalinguyngoy (nosebleed) at tinamaan ng sakit si Norma (Sue Ramirez). Napag-alaman na nagiging allergic siya sa electromagnetic waves kaya naman kinailangan siyang dalhin sa bahay ng kaniyang lola na anim na oras ang layo mula sa lungsod.
Sa kaniyang pananatili sa bahay ng kaniyang lola, ipinakita ang mga makalumang kagamitan o teknolohiya tulad ng makinilya at polaroid. Gayon din ang paggamit ng mapa, pagsulat ng liham at paglalaro ng telepono na yari sa sinulid at lata.
Matapos ito, nabigyang-pansin na nagkakalat si Margaux, kaibigan ni Norma, ng maling balita o fake news. Makikita na may itinatagong simbolismo sa likod ng pangalan ng mga tauhan.
Bunga rin ng pagkakalayong ito, sinubok ng tadhana si Norman kaugnay ng mga isyu sa kaniyang pamilya, kaibigan, at maging sa pag-ibig. Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng komunikasyon, oras sa pamilya, pag-aalaga sa sarili at pagsusuri sa mundong hindi na tiyak ang katotohanan dulot na rin ng pag-usbong ng teknolohiya at pag-unlad ng social media.
The Day After Valentine’s
Paghilom. Sa pangalawang pagkakataon, tinadtad muli ni Jason Paul Laxamana ang puso ng kaniyang manonood sa kaniyang pelikulang “The Day After Valentine’s.”
Nagkita sina Lani Murphy (Bela Padilla) at Kai Ramos (JC Santos) sa isang pamilihan ng damit na pagmamay-ari ni Tess (Regine Tolentino). Natuklasan ni Lani na may mga galos sa kamay ni Kai bunga ng nagtapos na relasyon sa babaeng nagngangalang Anne. Kaya naman, tinulungan siya ni Lani upang maiwaksi ang sakit ng kahapon.
Binigyang-puwang sa unang bahagi ng pelikula ang pagpapalitan ng mensahe gamit ang Baybayin, ang sinaunang sistema ng panulat sa bansa, na kinahihiligan ni Lani.
Inilakbay naman ang mga manonood sa ikalawang bahagi ng pelikula sa isla ng Lanai sa Hawaii kung saan naninirahan ang pamilya ni Kai. Sa huling bahagi, inilahad ang madilim at masalimuot na karanasan na binubuhat ni Lani mula sa kaniyang pamilya.
Ipinaramdam sa mga manonood ang sakit na dulot ng nakaraan na lubhang makaaapekto sa kagawian sa kasalukuyan. Nakatuon ang pelikula sa kung paano naghilom at hihilumin ang mga sugat ng kahapon.
Hindi ito ang tipikal na kuwentong kinakikiligan, bagkus kuwento ito ng pagbabago at pag-udyok sa sarili upang magbago.
Pinay Beauty
Pinatingkad ni Jay Abello sa kaniyang pelikulang “Pinay Beauty” ang natural na kagandahang taglay ng mga Pilipina.
Hinahangad ni Annie (Chai Fonacier) na magkaroon ng maputing kutis, malaking hinaharap at matangos na ilong katulad ng kaniyang iniidolong si Snow White. Suportado naman dito ang kaniyang karelasyon na si Migs (Edgar Allan Guzman), kaya siya nangutang kay Uncle Val (Tikoy Aguiluz).
Tumaas ang tensyon nang kinakailangan nang ibalik ang perang hiniram para sa plastic surgery, kundi ay papatayin si Migs. May dalawang kondisiyon upang mabayaran ito sa loob ng isang linggo, maaaring buong pera o makipag-date kasama ang sikat na artistang si Lovely G (Maxine Medina).
Kasama ang apat pa nilang kaibigan, nagtulong-tulong sina Annie at Migs upang matugunan ang pangangailangang ito. Sa huli, nakaligtas ang lahat at walang nangyaring plastic surgery.
Tinatalakay ng pelikula ang kaisipan ng mga Pilipina na kinakailangang maganda at maputi ang isang babae upang matanggap sa trabaho o maging laman ng mga patalastas. Ipinapakita rito na namamayani pa rin ang pagtingin sa pisikal na itsura upang tanggapin ang kapuwa.
Pinatunayan naman ng karakter na Migs na hindi batayan ang hitsura upang mahalin ang isang tao. Kinakailangang suriin ang kaibuturan ng kaniyang puso at huwag basta-basta palilinlang sa pisikal na anyo ng tao.
Gayon pa man, inihahayag ng pelikulang ito na mas magiging maganda ang isang tao kung masaya siya sa kaniyang ginagawa at sa kung anuman ang ipinagkaloob sa kaniya ng Maykapal.