PELIKULA ang isa sa mga paraan upang mailahad ang pang-araw-araw na karanasan ng mga Pilipino sa kani-kaniyang lugar at panahon. Kaya naman sa ikalawang taon ng Pista ng Pelikulang Filipino, ipinalabas ang walong pelikula upang payabungin ang estetika, kultura at halaga ng lokal na pelikula. Pinamunuan ito ng Film Development Council of the Philippines katuwang ang mga sinehan sa buong Filipinas.
Upang maibahagi ang mga nilalaman at pananaw na nakapaloob sa mga pelikulang ito, sinikap ng Varsitarian na suriin ang mga tampok na pelikula noong ika-15 hanggang ika-21 ng Agosto.
Unli Life
Inilahad ni Miko Livelo sa kaniyang pelikula na “Unli Life” ang kabalintunaan ng oras at buhay sa kuwento ng paghihiwalay ng isang magkasintahan.
Sa kagustuhang makipagbalikan ni Benedict (Vhong Navarro) sa kaniyang dating kasintahan na si Victoria (Winwin Gutierez), uminom siya ng “Wishkey” sa isang bar na pinangalanang “Turning Point.” Ito ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang bumalik sa nakaraan at itama ang kaniyang pagkakamali. Sa paglalakbay ni Benedict sa iba’t-ibang panahon noong magkasintahan pa sila ni Victoria, matagumpay na ginamit ang time travel upang ipakita ang pagbabago ng bida.
Tila inagaw ng mga katatawanan na eksena ang atensiyon mula sa mensahe ng pelikula. Mas mainam kung itinuon na lamang sa pagpapakita ng pinagdaanan nina Benedict at Victoria mula nang sila ay maghiwalay hanggang sa pagtanggap na hindi na maibabalik ang nasirang tiwala sa isa’t isa. Sa huli, ipinapaalala ng pelikula na kailanman ay hindi na maibabalik ang lumipas na oras, kaya dapat gamitin ito nang mabuti sa piling ng mga minamahal sa buhay.
Signal Rock
Inilahad ni Chito Roño sa “Signal Rock” ang sakripisyo ng mga kababaihan mula sa probinsya upang makapangasawa ng banyaga, sa pag-aakala na ito ang natatanging solusyon sa pag-ahon mula sa kahirapan.
Umikot ang pelikula kay Intoy (Christian Bables) na nais iligtas ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Vicky (boses ni Judy Ann Santos) mula sa pang-aalipusta ng kaniyang asawa na taga-Finland. Bagaman nanalo sila sa kaso, hindi pa rin umuwi si Vicky sa paniniwala na mas magiging masagana ang buhay niya sa Finland.
Makikita sa simbolismo ng “Signal Rock”— ang tanging bahagi ng isang lugar na mayroong signal sa telepono – ang pagtitiis at sakrisisyo ng mga binansagang “Makabagong Bayani ng Filipinas” upang makatawag sa mga kamag-anak sa bansa. Ngunit sa halip na nagsisilbi silang pag-asa at solusyon sa problema, gaya ng kuwento ni Intoy, mas maraming pagkakataon na suliranin ang hatid sa bawat pagtawag.
Ipinakita sa pelikula ang iba’t-ibang paraan kung paano nagiging bayani ang mga overseas Filipino workers, mula sa kanilang pagtitiis upang makapagpadala sa mga kamag-anak sa Filipinas hanggang sa pagtitiis dahil sa kawalan ng mahihingian ng tulong kapag inaalispusta at inaabuso ng amo o asawang baniyaga.
We Will Not Die Tonight
Tinalakay ni Richard Somer sa “We Will Not Die Tonight” ang paglaganap ng karahasan dulot ng kahirapan.
Umikot ang kuwento sa limang tauhan – si Kray (Erich Gonzales) na isang stuntwoman, si Jonesky (Thou Reyes) na dating boksingero, si Cheche (Max Eigenmann) na dating kriminal, ang pinakabatang si Reneboy (Nico Dans) at ang lider ng grupo na si Ramil (Alex Medina) – na sangkot sa sindikato na nangunguha ng laman-loob ng mga bata.
Binigyang-diin sa pelikula ang iba’t-ibang ugali ng tao upang maka-ahon sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagkapit sa patalim o paghahanap ng disenteng trabaho.
Kapansin-pansin ang sukdulang takbuhan sa mga eksena dahil dito ipinakita na nagmistulang mantra sa isip ng mga bida ang pamagat habang tumatakbo mula sa nakaambang peligro.