Pananaliksik, pinakamabigat na pamantayan sa pagtuturo – Almario

0
3791
Ginawaran ang sampung "Ulirang Guro sa Filipino 2018" mula sa iba't ibang bahagi ng bansa sa gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. noong ika-1 ng Oktubre. (Kuha ni Miguel J. Sunglao/The Varsitarian)

HINIKAYAT ng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga guro na gamitin ang pananaliksik sa pagpapalaganap ng wikang pambansa at kultura, sa ginanap na Gawad Ulirang Guro sa Filipino 2018 noong ika-1 ng Oktubre sa gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P.

Ayon kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, pananaliksik ang isa sa pinakamabigat na pamantayan upang maging “Ulirang Guro.”

“Ngayon kasi, ginawa naming emphasis [ang] saliksik…kaya mayroong mas mataas na weight ang may mga ginawang original research sa kanilang language and culture,” ani Almario sa isang panayam sa Varsitarian.

Wika naman ni Pilar Romero, dekana ng College of Education, makatutulong ang gawad upang maging inspirasiyon sa ibang mga guro na paghusayan sa kani-kanilang larangan.

“Kung mas maraming mas makakaalam sa kanilang katangian, sila ay tutularan at magiging pamantayan ng mga batang guro na nagsisimula pa lamang upang manatili sila sa propesyon na kanilang napili,” ani Romero.

Ginawaran ng parangal sina Christine Joy Aguila (Philippine Science High School), Jayfel Balingasa (Makati Science High School), Demetrio Bautista (Alangilan Senior High School ), Janette Calimag (Kalinga State University), Reggie Cruz (Angeles City Senior High School), Emmanuel Gonzales (Far Eastern University), Shandra Gonsang (University of Southern Mindanao), Maria Fe Hicana (Technological University of the Philippines – Taguig), Julie Gay Quidato (West Visayas State University ) at Ma. Jesusa Unciano (University of Northern Philippines).

Ang Ulirang Guro sa Filipino ay taunang gawad na ibinibigay sa mga natatanging guro na nagpamalas ng husay at pangununa sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa kani-kanilang komunidad.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.