Tagalabas sa panitikan: Mga sikreto ng pagsusulat

0
4558

SA KANIYANG libro ng kritisismo na “Ang Tagalabas sa Panitikan,” tinalakay ni Chuckberry Pascual ang impluwensiya ng mga suliraning pangkasarian at kahirapan sa kaniyang mga panulat.

Sino ang “tagalabas” sa paksang pampanitikan? Para kay Pascual, ang “tagalabas” ay ang mga taong salat sa yaman ngunit nagpupursiging umukit ng sariling identidad na kinikilala ng lipunan. Sa akdang ito, nais bigyan ng boses ni Pascual ang mga “tagalabas.”

Nahahati ang libro sa apat na kabanata: “Mga Batis at Impluwensiya: Pagmimito,” “Madonna and Me: Pagmimito,” “Ang Tagalabas sa Panitikan” at “Pangwakas: Kumpisal tungkol sa Pangungumpisal.”

Nangibabaw ang isyu sa kababaihan sa unang kabanata ng aklat. Gamit ang tulang “Pagpaslang” ni Joi Barrios, isang makata, idiniin ni Pascual na nananatiling nasa “laylayan” ang mga kababaihan, pati na rin ang mga homoseksuwal, dahil sa hindi pantay na trato sa kanila ng patriyarkal na lipunan.

“Dahil ang babae ay kinakailangang magtrabaho sa lahat ng oras, kinakailangan ng tauhan na tumalilis sa sistemang sumisikil sa kaniya,” paliwanag niya.

Ang tulang “Ang Abay” ni Alwynn Javier ang naging punto de vista sa pag-uungkat ni Pascual sa isyu sa homoseksuwalidad. Tinalakay dito kung paano “hindi umiiral ang anumang batas para kilalanin ang gayong [uri] ng samahan.”

Gamit naman ang maikling kuwentong “Ang Lungsod ay Isang Dagat” ni Efren Abueg, ipinakita ng Pascual na nagdudulot ang kapitalismo ng opresiyon at kahirapan. Sinasalamin ito ng mga tauhang sina Carina na nagbebenta ng “aliw” at Cesario na pinasok ang iba-ibang trabaho—mula sa pagpipiyon, pagiging kargador at tagalinis ng sasakyan. Bagaman ilang trabaho na ang kanilang pinasok, bigo pa rin silang makaahon sa kahirapan.

Giit ni Pascual: “Isa itong pagsasakdal sa lipunan na walang ibinibigay na pagkakataon sa mga indibidwal kung di ang tanggapin ang kanilang pagkaaba at pagkatiwalag.”

Bagaman isa itong aklat ng saliksik at kritisismo, hindi pa rin maikakaila kung saan magaling si Pascual—sa pagkukuwento. Namumukod-tangi ang pagtatahi ni Pascual sa mga impormasiyon. Para itong sapin-sapin na bagaman iba-iba ang paksa ng apat na kabanata, iisa pa rin ang nais nitong ipatikim sa mga mambabasa: ang katotohanan na tahasan ang pang-aalipin ng patriyarkal na lipunan sa mga mahihirap.

Panghihikayat ni Pascual, panahon na upang umaksiyon ang mga “tagalabas” dahil magkakaiba man ang estado sa buhay, ang lahat ay bahagi ng lipunan.
Si Chuckberry Pascual ay kawaning dalubguro at resident fellow ng UST Graduate School at UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Nagsisilbi siya bilang coordinator ng bagong tatag na programa na Bachelor of Arts in Creative Writing sa Fakultad ng Sining at Panitik.

Bahagi ng kaniyang disertasiyon sa Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman ang kaniyang aklat na inilimbag naman ng UST Publishing House ngayong taon.
Awtor din siya ng Kumpisal: mga kwento (UST Publishing House, 2015), Ang Sinehan sa Panitikan at Pag-aaral ng Piliping Sinehan sa Recto (UP Press, 2016) at Ang Nawawala (Vispring Inc., 2017).

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.