Aguinaldo at Bonifacio: Nakabubulag na katotohanan

0
3385
(Dibuho ni Jury P. Salaya/The Varsitarian)

KALIWA’T kanan ang mga pelikula na tumatalakay sa hidwaan ng mga bayaning Filipino na sina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo, kaya giit ng mga historyador na kailangan ng matinding pananaliksik para sa pagsasadula ng katotohanan ng ating kasaysayan.

Noong 2012 at 2014, ipinalabas ang pelikulang “Supremo” at “Andres Bonifacio: Ang Unang Pangulo.” Liban dito, marami pang bersiyon ang lumabas na nagpapakita ng iba’t ibang naratibo sa hidwaan sa pagitan nila.

Ayon sa tala ng kasaysayan, nagsimula ang away sa pagitan ng dalawa sa hindi pagkakaisang desisyon sa pamumuno ng rebolusyon at Katipunan. Bilang solusiyon, nagkaroon ng botohan noong ika-22 ng Marso taong 1897 na ngayo’y kilala bilang Tejeros Convention.

Nanaig si Bonifacio dahil sa iba’t ibang giyerang naipanalo nito kumpara kay Aguinaldo. Pero dahil sa Cavitismo, o matinding pagkiling sa probinsyang pinanggalingan, at di umano ay dayaan sa boto, si Aguinaldo ang umupo bilang pangulo ng Katipunan at naging kauna-unahang pangulo ng Filipinas.

Giit ng Tomasinong historyador na si Jose Victor Torres, mainam gamitin ang pelikula upang maintindihan ng kabataan ang kasaysayan ng bansa.

“Dahil sa henerasyon natin ngayon na nagbibigay-halaga sa larawan at hindi masyado sa teksto, ang paggamit ng mga video o pelikula ay isang bagay na makapagbibigay o makapagpaparating ng mensahe na gustong ibigay ng mga guro ng kasaysayan,” sabi ni Torres.

Binalaan naman ng mga historyador ang mga manonood na maging mapanuri sa pelikula dahil sa “artistic license”—ang kalayaan ng mga direktor at manunulat na gawin ang kanilang ninanais sa isang obra.

Ayon sa tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan na si Agusto de Viana, bagaman nagpapaunlad ng kasaysayan ang pagpapakita ng iba’t ibang anggulo, hindi dapat ito tanggapin agad bilang katotohanan.

“Marami silang sinasabi na maraming historya pero marami ring historyador. Minsan ang hindi totoo ay bumabalot sa ‘ting mga historical themes. Dapat na hindi lang rin umasa sa sine ang mga manonood. Kung hindi sila nagbabasa, mas lalo yung mga historic documents,” diin ni de Viana sa panayam sa Varsitarian.

Dagdag ni Torres, dapat maging mapanuri ang mga manonood upang malaman kung ano ang totoo sa kasaysayan at hindi. Kung isa lamang itong obra ng fiction, mas mainam na intindihin na lamang ang mensahe nito.

“Kailangan intindihin ng manononood o ng estudyante na ang pelikula na kanilang pinapanood ay isang fiction lamang na ang pinagbasehan ay ang kuwento ng buhay ng isang bayani. Hindi ito accurate or di kaya’y may artistic license ang director at scriptwriter sa paggawa ng kuwento,” sabi niya.

Noong ika-tatlo ng Marso, nagkaroon ng auction sa Leon Gallery sa lungsod Makati, para sa mga sulat ni Bonifacio para kay Emilio Jacinto. Nilalaman ng mga sulat ang naganap sa Tejeros Convention, na, ayon kay Lisa Guerrero Nakpil, tagapangasiwa ng subasta, huling sulat bago mamatay si Bonifacio.

Kasamang inilabas ang orihinal na bandila ng Katipunan ni Bonifacio at mga sulat ng pambansang bayani na si Jose Rizal.

Hamon ng mga historyador, makatutulong ang mga bagong diskubre na dokumento upang maging mas makatotohanan ang pagsasaliksik at pagsasapelikula sa kasaysayan ng hidwaan nina Bonifacio at Aguinaldo. may ulat mula kay Chris V. Gamoso

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.